LUNGSOD NG MALOLOS – Anim na mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU) ang humakot ng parangal sa kauna-unahang paligsahan ng sa panulat ng lathalain at multi-media ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Bulacan Chapter noong Biyernes, Disyembre 2.
Ang nasabing paligsahan ay bahagi ng “End Impunity, Defend Press Freedom” lecture series na inorganisa ng NUJP-Bulacan chapter bilang pag-alaala sa mga mamamahayag na pinsalang sa bansa.
Ito naman ay ipinagkaloob tatlong araw bago magsimula ang isang lingggong pagdiriwang ng ika-107 guning taon ng pagkakatatag ng pamantasan na nagsimula noong Lunes, Disyembre 5.
Ang mga nagsipagwagi ay pawang mag-aaral ng kursong Bachelor of Arts in Journalism, isang programa ng pamantasan sa pagpapakadalubhasa sa pamamahayag na sinimulan noong 2008.
Ang mga nagwagi sa paligsahan sa pagsulat ng lathalain ay sina Catherine Tamayo kasunod sina Rosemarie Gonzales, at Ann Lea Santiago.
Sa multi-media contest, nasungkit ni Roxlee Dimapilis ang unang karangalan, kasunod sina Misty Angelica Mendoza at Agatha Krishna Santos.
Maliban kay Santiago na nasa ikatlong taon ng pagpapakadalubhsa, ang iba pang nagsipagwagi ay pawang nasa ika-apat na taon ng pag-aaral sa nasabing kurso.
Ang bawat isa ay tumanggap ng katibayan ng pagkilala bukod sa premyong P3,000 para sa unang karangalan; P2,000 para sa pangalawa at P1,000 para sa pumangatlo.
Ang mga nagsipagwagi ay pinuri ni Rowena Paraan, ang secretary-general NUJP na nagsabing ang mga lahok na nagsipagwagi ay nagpapakita ng kanilang pagkakaunawa sa mga banta sa mga mamamahayag at problema partikular na sa impunity.
“It’s a clear contribution of students in translating importance of press freedom to people’s understanding,” ani Paraan na siya ring nagsilbing panauhing tagapagsalita sa ikatlong lecture series bago ibigay ang parangal.
Iginiit pa niya na ang mga lahok ng mga mag-aaral sa multimedia contest ay maaaring gayahin para sa pagsasagawa ng World Press Freedom Day sa Mayo 3 sa susunod na taon.
Ito ay upang higit na mapataas ang antas ng kaalaman ng mamamahayag sa kahalagahan ng malayang pamamahayag sa bansa.
Una rito, sinabi ni Rommel Ramos, vice-chairman ng NUJP-Bulacan, na layunin ng lecture series at paligsahan ang higit na maipaunawa sa mga kabataang nagnanais maging mamamahayag ang mga suliranin ng mga mamamahayag sa bansa.
“As older journalists, we don’t want young journalists to go blind into field, we want them to know the challenges they will face,” ani Ramos.
Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Mariano De Jesus, pangulo ng BulSU na bibigyang diin nila sa pagdiriwang ng pagkakatatag ng pamantasan ang mga karangalang nakamit ng pamantasan at ng mga mag-aaral nito sa mga nagdaang taon.
Ito ay bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng ika-107 guning taon ng pagkakatatag ng pamantasan na nagsimula noong Lunes, Disyembre 5.
Ang BulSU ay nagsimula bilang Bulacan High School noong 1904 hanggang sa naging Bulacan College of Arts and Trades at ngayon ay Bulacan State University.
Sa kasalukuyang, ang BulSU ay tinatayang may mahigit sa 30,000 mag-aaral at apat pang sangay na matatagpuan sa mga Lungsod ng San Jose Del Monte, mga bayan ng Bulakan, Bustos at Hagonoy.