6 na chief sa loob ng 9 na buwan
    Rigodon sa hepe ng pulisya nagdudulot ng pangamba

    634
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY——Nagpalabas ng petisyon ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangambang maapektuhan ang peace and order situation dito dahil sa papalit-palit na hepe ng pulisya magmula noong Pebrero 2008 hanggang sa kasalukuyang buwan.

    Ayon sa petisyon, matapos ang termino ni Supt. Manuel Lukban noong Pebrero ay pinalitan ito ni Supt. Felixberto Castillo, at biglang naputol ang panunungkulan nito na pinalitan naman ni Supt. Robert Quenery noong Mayo, ngunit bigla na namang pinalitan ni Supt. Arthur Felix Asis si Quenery.

    At makalipas lamang ang ilang buwan inalis naman sa pwesto si Asis sa hindi malamang kadahilanan at naupo naman bilang officer-in-charge si Insp Epapfrodito Aliling bago dumating nitong linggo si Supt. Emma Libunao.

    Ayon kay Malolos City Mayor Danilo Domingo, naapektuhan ang usapang pangkapayapaan sa kanilang lugar sa ganitong klaseng sitwasyon.

    “Maraming pumapasok na negosyo sa Malolos dahil sa may peace and order pero maapektuhan ito kapag lagi nababago ang hepe ng aming pulisya.” ani Domingo.

    Ayon pa sa alkalde mahalagang mapirmi ng termino ang isang hepe ng pulisya upang ito ay makatugon ng maayos sa kanyang tungkulin.

    Ani pa ni Domingo, mula noong Pebrero ay lumalabas na dalawang buwan lamang ang tinatagal ng isang chief of police sa kanilang lungsod at napapalitan na ito.

    Sa gitna ng usaping ito ay nanawagan si Domingo partikular kay Police Region 3 Director Errol Pan na patapusin ang termino ng itatalagang hepe ng pulisya sa kanilang bayan.

    Samantalang aminado naman ang pinakabagong talagang hepe ng pulisya sa Malolos na si Supt Emma Libunao na apektado ang performance hindi lamang ng isang hepe kungdi maging ang nasa ibabang ranggo ng pulis kapag pabago-bago ng hepe ang departamento.

    Ayon naman kay Pan, nataon lamang ang sunod-sunod na pagpapalit ng mga hepe ng kapulisan sa Malolos at ang pangunahing dahilan ay career move o isang promotion.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here