BALIUAG, Bulacan – Anim na Bulakenyong entreprenyor ang pinarangalan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa SM City sa bayang ito bilang pagkilala sa kanilang pananagumpay at pagpupunyagi.
Ang anim na kumpanyang tumanggap ng parangal bilang Small Medium Enterprise (SME) Star Award ay ang Antonio’s Gowns and Barong sa bayan ng Pandi, Franbel Native Products, C-RREM Arts and Crafts, Keno Foods, Jam’s Bags, at Markenburg International Food Corporation na nakabase sa bayang ito.
Ayon kay Rhine Aldana, ang direktor ng DTI-Bulacan, layunin ng parangal na mabigayan ng dagdag na suporta at mapataas ang kakayahan ng mga entreprenyor sa bansa.
“It is our way of recognizing outstanding enterprises that have shown the most remarkable achievements in growing their business to globally competitive enterprises,” ani Aldana.
Nilinaw niya ang kahalagahan ng mga Micro, Small, Medium Enterprises MSMEs sa ekonomiya ng bansa sa pagsasabing ang mga ito ang nagsisilbing “backbone of the Philippine economy” dahil sa nakalilikha ito ng dagdag na trabaho.
Sinabi pa ni Aldana na sa kasalukuyan, ang mga MSMEs ang bumubuo sa 99.6 porsyento ng rehistradong negosyo sa buong bansa at ang mga nabigyan ng trabaho ay umaabot sa 61.2 porsyento ng kabuuang bilang ng manggagawa.
“MSMEs plays crucial role on economic development in the countryside by setting new design trends, development of contemporary products and bringing them to the market place ahead of the competition,” ani Aldana.
Isa sa mga halimbawa nito ay ang Antonio’s Gownn and Barongs na itinatag ni Santiago Antonio ng Barangay Bagong Barrio sa bayan ng Pandi may 15 na ang nakakaraan.
Ayon kay Antonio, bata pa lamang siya ay pinangarap na niyang maging isang negosyante.
Subalit noong siya ay nasa kolehiyo, tumigil siya sa pag-aaral na inakala ng marami ay katapusan na ng kanyang pangarap.
Ngunit nagkamali sila, dahil naglakas ng loob si Antonio na itayo ang Antonio’s Gowns and Barongs.
Sa simula ay nangontrata lamang siya ng pananahi ng mga barong tagalong at saya.
Hindi nagtagal, naging apat ang kanyang mananahi at ngayon, umaabot na sa 50 ang kanyang mananahi at tauhan; samantalang umaabot sa mahigit 3,000 barong tagalog at saya ang kanilang natatahi bawat buwan.
Dahil dito, isa si Antonio sa mga binigyan ng pagkilalang SME Star Award ng DTI-Bulacan.
Sa isang panayam, sinabi ni Antonio na nagsimula siya sa pagmamasid sa kanyang mga kapitabahay na tumatahi ng barong at saya.
“I thought that’s a good business, kasi hindi ka mawawalan ng market, habang may ikinakasal, may ipinapanganak, at may namamatay, may nagsusuot ng barong at saya,” aniya na may kasunod na tawa.
Dahil determinado, kinumbinse ni Antonio ang kanyang maybahay at ngayon ay magkatulong na sila sa negosyo.
Sa kasalukuyan, pinapangarap nila na makapagbenta ng kanilang produkto sa ibayong dagat, ngunit mayroon silang isang “magandang” problema.
“Kulang kami sa mananahi, kasi kung yung produksyon namin ay dadalhin sa abroad, kakapusin kami ng ibebenta sa local market,” aniya.


