SUBIC, Zambales— Anim na suspected drug pushers ang dinakip ng mga tauhan ng Regional Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group (RAIDSOTG) at Zambales PNP nang kanilang salakayin ang pugad ng mga ito sa Barangay Calapacuan dito.
Kinilala ni Chief Inspector Oriano Mina, hepe ng Subic PNP, ang mag suspek na sina Roberto Golarisa, 35; Danny Vitoso, 56; Diomedes Nacar, 48; Ariel Nacar, 30; Joey Esteban, 34, pawang mga residente ng Sitio Tahimik, Barangay Calapacuan at Arnel Pecolera, 30, ng Hermosa, Bataan.
Ang raid ay isinigawa sa pamumuno ni Supt. Frankie Candelario ng RAIDSOTG kung saan huli sa aktong magkakasabwat ang mga suspek na nagbenta ng sachet ng shabu sa isang police asset sa halagang P1,000.
Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang marked money at mahigit sa 10 plastic sachet ng shabu. Ang mga suspek ay nasa custody na ng Subic PNP at ipinagharap na sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article ll ng Ra 9165.