Arestado ng pulisya ang suspected illegal recruiter na si Lister Manatad. Kuha ni Rommel Ramos
GUIGUINTO, Bulacan — Anim na babaeng nag-apply bilang mga OFW at isang batang lalake ang nasagip ng kapulisan mula sa kamay ng kanilang illegal recruiter.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Maricel Egos, Leah Janopol, Flordeliza Calmadora, Michiline Andres, Irish Amamag, Laila Sales, at isang 6-anyos na batang lalake.
Sila ay nasagip mula sa kamay ng suspect na si Lister Manatad, 45, residente ng Barangay Sta. Cruz.
Ayon sa pulisya, ni-recruit ng suspek ang anim at nangakong makakapagtrabaho sa Saudi Arabia bilang domestic helper, ngunit sa halip na lumipad sa ibang bansa ay ikinulong ang mga ito sa isang bahay ng pitong buwan.
Ang 6-taong gulang na anak ni Amamag ay minamaltrato at sinasaktan din daw ng suspek at pinapaluhod sa asin at monggo.
Ayon sa mga biktima, maging sila ay nakaranas ng pagmamaltrato at pananakit sa kamay ng suspek at sila ay kinandado sa loob ng isang bahay at pinagbantaan pang kung tatakas ay magbabayad ang mga ito ng P200,000.
Malaunan ay nakahingi ang mga biktima ng tulong sa Guiguinto police sa pamamagitan ng social media hanggang sila ay masagip nitong Lunes.
Depensa naman ni Manatad, naipit sa lockdown ang mga ni–recruit niya at iniiwasan niyang makalabas ang mga ito dahil sa Covid-19.
Umiiyak na inamin ng suspect ang pagkakamali at humihingi ito ng kapatawaran sa mga biktima.
Ang suspek na nakaditene ngayon sa Guiguinto police station ay mahaharap sa mga kasong illegal recruitment, illegal detention, at child abuse.