IBA, Zambales – Upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Zambaleño partikular na sa paghahanap ng trabaho, inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ang “5th Sulong Zambales” jobs fair kamakailan.
Sinabi ni Gob. Hermogenes E. Ebdane Jr. na ito ay pagpapakita ng kanilang simpatiya sa mga mamamayan ng Zambales lalo na ang mga naghahanap ng trabaho.
Nakapagtala ang Public Employment Service Office (PESO) sa pamamahala ni Bise Gob. Ramon G. Lacbain II ng 183 rehistrado sa unang araw ng jobs fair na isinagawa sa Municipal Gymnasium ng San Antonio sa pakikipagtulungan na rin ng local na pamahalaan ng nasabing bayan.
Nakapaglista din ang PESO ng 156 sa ikalawang araw na inilunsad sa Sinabacan, Candelaria, Zambales sa Head Quarters ni Ebdane.
Ang dalawang araw na jobs fair ay nilahukan ng iba’t ibang ahensya sa loob at labas ng bansa.
Nakiisa din ang iba’t ibang lokal na kumpanya kabilang na ang SM Department Store, Phil Health, Social Security System o SSS, Subci Bay Metropolitan Authority Labor Department, Department of Labor and Employment, OZAPTI, PTT Phils, Hanjin, Red Dragons, Sutherlands Global Service, Urban Venture Corporation, Puregold, Juken Sangyo Philippines, 4B Construction, Zambales Today’s News at Ocean Adventures.
Pinaigting din ng PESO ang pakikipag-ugnayan sa mga Internasyunal na kumpanya kung saan 15 sa kabuuan ang nakilahok rin sa nasabing jobs fair.
Kabilang dito ang CSM International Recruitment Service Inc., Eyequest International Manpower Services Incorporated, YWA Human Resource Corporation, International Experts for Technical Support Services Inc., United Global Manpower Resource Inc., YHMD International Manpower Services Inc., RRJM International Manpower Service Inc., Placewell International Services Corporation at Star World International Manpower and Placement Agency Inc.
Ayon pa kay Lacbain, layunin ng PESO na matulungan ang mga mamamayan ng Zambales sa pamamagitan ng paglulunsad at pagdaragdag ng mga trabaho.