Ang ilan sa mga nasagip na kababaihan sa KTV bar. Kuha ng PRO-3 SCU.
LUNGSOD NG MABALACAT — Nailigtas ang 52 kababaihan habang lima naman ang inaresto ng Police Regional Office 3 special concern unit sa isang KTV bar sa Fontana Leisure Park, Clark Freeport Zone nitong Biyernes ng madaling araw.
Ayon kay Maj. Joel Alba, OIC ng PRO-3 SCU, nakatanggap sila ng ulat na may nagaganap na prostitusyon sa nasabing lugar kayat nagkasa sila ng entrapment operation sa nasabing lugar.
Aniya, ang mga parokyano dito ay pawang mga Chinese nationals at umaabot sa P5,000 hanggang P20,000 ang bar fine na may kasama nang prostitusyon.
Matapos makapagbayad ng bar fine ay ilalabas na ng parokyano ang babae at hati sa ibinayad ang KTV bar at ang napiling GRO.
Sa operasyon, lima ang naaresto na kinilalang sina Lauren Sta. Iglesia, 24, Hazzel Sanchez, 28, at Alysa Bautista, 21, pawang mga kahera; Meli Nago, 58, manager; at Prince Cedrick Galang, 24, floor manager ng nasabing bar.
Hindi naman naabutan ng otoridad ang may-ari o operator ng umano’y prostitution KTV Bar.
Itinatanggi naman ng mga naaresto na may nagaganap na prostitusyon doon habang ang isa sa nailigtas na itinago sa pangalang Lineth ay bago lamang daw na nagtatrabaho doon at hindi niya alam na may nagaganap na prostitusyon sa pinapasukang bar.
Sasampahan ang mga naaresto ng kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Person Act of 2021 habang ang nasagip na mga biktima ay nasa kustodiya pa ng PRO-3 SCU.