LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — May kabuuang 513 Bulakenyo ang sumailalim sa iba’t ibang certificate course training kaugnay ng pagkakaroon ng isang climate-resilient farm at fishery.
Sa ginanap na Mass Graduation, sinabi ni Department of Agriculture Region 3 Field Operations Division Chief Elma Mananes na ang mga pagsasanay nito ay bahagi ng mga pangunahing hakbang upang higit na mapalakas ang ani at kita.
Ito rin aniya ay isang pangmatagalang tugon upang pababain ng inflation rate dahil sa pagpaparami ng produksyon ng pagkain sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na kanilang pinagsanayan.
Kabilang rito ang 321 na mga nagsipagtapos sa pagsasanay tungkol sa Scaling the Adoption of Pest and Nutrient Management Technologies for Rice.
Ayon kay Philippine Rice Research Institute Senior Science Research Specialist Mark Angelo Abando, sinanay sila kung paano gagawing pataba ang mga mahuhuling peste nang hindi nalalason ang lupa at tanim.
Gayundin ang kasanayan sa Rice Development Monitoring System at Palay Check System na may kinalaman sa kalusugan ng isang punla at binhi.
Nasa 91 naman ang sinanay sa Farmers’ Field School on Climate Resilient Farm Business School kung paano mapapanatiling masagana ang mga tanim sa isang farm school laban sa hamon ng Climate Change.
Sa kabilang banda, 75 ang nagkaroon ng kasanayan sa Farmers’ Field School on Vegetable Production na partikular na pinagtuunan ang kasanayan sa epektibo at organikong pagtatanim ng mga High Value Commercial Crops.
Inilahad ni Provincial Agriculturist Gloria Carillo na binigyan sila ng pamahalaang panlalawigan ng tig-tatlong tray ng assorted vegetable seedlings, limang kilong organic fertilizers, dalawang foldable plastic crates, isang rechargeable knapsack at isang plastic mulch.
Sa sektor ng pangingisda, 26 ang sinanay sa Fish Farmers’ Field School on Greenwater Technology.
Sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Director Wilfredo Cruz na
bagama’t kabisado na ng mga mangingisda ang mga pangunahing pamamaraan sa kanilang ikinabubuhay, dinagdagan pa ito ng kasanayan kung paano mapaparami pa ang huling isda at iba pang yamang-tubig sa gitna ng nagbabagong panahon.
Halimbawa na rito ang paggamit ng Greenwater Technology upang sugpuin ang sakit sa hipon.
Bawat isa sa nagsipagtapos sa Fish Farmers’ Field School on Greenwater Technology ay binigyan ng BFAR ng tig-dalawang libong piraso ng bangus fingerlings; 25 kilo ng teased powder; tig-iisang roll ng fine Mesh net, PE net, at black net; at isang 70 litro na fish cooler.
Samantala, tiniyak ni Gobernador Daniel Fernando na maisasaayos ang Comprehensive Land Use Plan ng Bulacan upang manatiling nakapreserba ang mga agricultural lands at hindi magkaroon ng conversion.
Tanging ang mga non-productive land lamang aniya ang dapat na mai-convert sa industrialization. (CLJD/SFV-PIA 3)