Home Headlines 511 Bulakenyo nabiyayaan ng kabuhayan ng DOLE

511 Bulakenyo nabiyayaan ng kabuhayan ng DOLE

529
0
SHARE
Pinagkalooban ng Department of Labor and Employment ang nasa 511 na mga Bulakenyong mahihirap ng iba’t ibang uri ng kabuhayan kits. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinagkalooban ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasa 511 na mga Bulakenyong mahihirap ng iba’t ibang uri ng kabuhayan kits.

Ito ay sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program.

Ayon kay DOLE Bulacan Field Office Head May Lynn Gozun, ang mga benepisyaryo ay sumailalim sa libreng pagsasanay sa Blas Ople Livelihood Center na isinagawa ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO).

May halagang P8.6 milyon ang inilaan ng DOLE para sa naturang mga starting kits na nagkakahalaga ng P20 libo ang bawat isa.

Pinakamarami ang nabiyayaan ng sewing kits na umabot sa 113 na indibidwal. Kumpleto ito mula sa makinang panahi hanggang sa mga karayom na kailangan.

Tig-100 naman ang benepisyaryo ng starting kits para sa mga nagsanay ng baking at hilot.

Pinakamalaki na natanggap nila ay ang isang talampakan na oven.

Iba pa rito ang 70 na nagsanay ng Food Processing na nakatanggap ng mga panlutong kagamitan kung saan kasama ang steamer.

Nasa 106 ang binigyan ng mga kagamitan sa paggawa ng sabon at iba pang detergent habang 22 na nagsanay ng welding ang nagkaroon ng starting kits kaugnay nito.

Hinikayat ni Gozun ang iba pang Bulakenyong interesado na makapagsimula ng mga ganitong uri ng kabuhayan na lahukan ang mga libreng pagsasanay na isinasagawa ng PYSPESO, upang makatamo ng mga starting kits gaya nito mula sa DOLE.

Mainam rin aniyang alternatibo ang pagsisimula ng negosyo habang naghihintay na matanggap sa trabaho.

Kapag pinalad naman na mapasok sa trabaho, maaari pa ring magpatuloy ang negosyo at mas mapalaki pa

Maaari namang pagsabayin din ang nasimulang negosyo habang nakakapagtrabaho sa isang kumpanya na may buwanang sahod. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here