Home Headlines 51 lungsod, bayan sa Gitnang Luzon kabilang sa Election Areas of Concern

51 lungsod, bayan sa Gitnang Luzon kabilang sa Election Areas of Concern

836
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN — Ipinaliwanag ng Police Regional Office 3 ang mga panuntunan sa pagtukoy ng mga lugar na isinailalim sa Election Areas of Concern.

Sa isang virtual presser, sinabi ni Police Regional Director Brigadier General Matthew Baccay na 51 na mga lungsod at bayan sa Gitnang Luzon ang kabilang sa yellow at orange category ng election hotspots na binabantayan ng mga otoridad.

Ang lahat ng 32 bayan at siyudad sa Nueva Ecija ay kabilang sa mga nabanggit na kategorya na kung saan 10 lokalidad ang kasali sa orange category o tinatawag na Election Areas of Immediate Concern na kinabibilangan ng mga bayan ng Aliaga, Bongabon, General Natividad, Jaen, San Antonio, San Leonardo, Sto. Domingo, Talavera at ang mga lungsod ng Gapan at Muñoz.

Samantalang ang natitirang 22 lungsod at bayan sa Nueva Ecija ay kabilang naman sa mas mababang kategorya na yellow o Election Areas of Concern.

Ang ilan pa sa mga tinukoy ng kapulisan na election hotspots na binabantayan ng hanay ngayong eleksyon ang isang bayan sa probinsiya ng Aurora, tig-dalawa sa Bataan at Tarlac, tig-tatlo sa Pampanga at Zambales at ang walong mga bayan at lungsod sa Bulacan.

Paglilinaw ni Baccay, mayroong panuntunan ang mga kapulisan sa pagtukoy ng mga election hotspots na mayroong apat na kategorya na ibinabase sa mga panuntunan tulad ang mahigpit na tunggalian ng mga politiko, pagkakaroon ng insidenteng may kaugnayan sa halalan, at may prisensiya ng armed group, gun for hire at Communist Terrorist Group.

Una sa kategorya ay ang green o election areas of no security concern, sumunod ang yellow category o election areas of concern na kinakikitaan ng isa lamang na factor tulad kung may naitalang insidenteng may kaugnayan sa eleksyon.

Pangatlo ay ang orange category o election areas of immediate concern na may dalawang dahilan gaya kung mayroong naiulat na insidenteng may kinalaman sa eleksiyon at mayroon pang mahigpit na tunggalian ng mga politiko, at ang pinakahuli ay ang red category o election areas of grave concern na mga lugar na mayroong higit sa dalawang salik.

Walang lokalidad sa rehiyon ang nasa ilalim ng red category.

Paglilinaw ni Baccay, hindi ibig sabihin na magulo sa mga lugar na kasama sa yellow at orange category bagkus ay layunin ng mga itinakdang kategorya na matutukan ang pangangailangang seguridad ngayong panahon ng halalan.

Kagaya sa Nueva Ecija na bagamat mayroong history ng political rivalry sa ilang lokalidad partikular na sa ika-apat na distrito ay masasabing mapayapa ang kabuuang sitwasyon dahil na din sa mga isinasagawang hakbang ng mga otoridad. (CLJD/CCN-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here