GEN. TINIO, Nueva Ecija – Umaabot sa 4,894 board ft ng sinasabing iligal na kahoy ang nakumpiska ng magkakasanib na elemento ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Philippine Army (PA) at Philippine National Police (PNP) sa isang bakuran sa Barangay Pulong Matong ng bayang ito noong Huwebes.
Ang mga operatiba na may search warrant na pinalabas ni Regional Trial Court Executive Judge Celso Baguio ng Gapan City ay kinailangang wasakin bandang alas 9:00 ng umaga ang dalawang padlock, kabilang ang sa main gate at bodega, bago tuluyang nakumpiska ang mga kahoy.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa alam ng mga may-kapangyarihan ang eksaktong kabundukan na pinagkuhanan ng mga kahoy.
May kabuuang 173 piraso ang nabawing mga kahoy.
Ayon kay Joselito Blanco, chief of the community environment and natural resources officer for Nueva Ecija-South, isinagawa ang operasyon matapos ang halos tatlong araw na pagmamanman sa aktibidad ng isang nakilalang “Rey Torres,” na siya umanong nagmamantine ng bodega sa bakuran ni Amado Abainza sa nabanggit na barangay.
Gayunman, hindi nagpakita ang suspek sa buong maghapon at magdamag na naghintay ang mga operatiba simula noong umaga ng Miyerkules hanggang matapos ang pag-rekober noong hapon ng Huwebes, ayon kay Nicomedes Claudio, hepe ng Forest Management services ng Cenro-Cabanatuan.
“Naghirap na nagbantay ang mga tauhan ng DENR, mga sundalo at pulis dahil gusto nilang matapos ito sa mapayapang paraan,” ayon kay Claudio.
Ang kagawad ng barangay na si Luther Pajarillaga na naging saksi sa operasyon ay nagsabing hindi nila namamalayan ang hinihinalang iligal na pagkakahoy sa kanilang barangay, kahit tapat lamang ng bakurang yaon ang kanyang sariling bahay.
“Napakahigpit ng kampanya ni Mayor (Virgilio) Bote laban sa mga iligal na ‘yan,” ani Pajarillaga.
Nang makapasok ay nagulat ang mga kawani ng DENR dahil kumaunti ang salansan ng kahoy sa loob nito hanggang masumpungan ng mga otoridad ang isang butas sa konkretong pader ng bodega.
Nang sundan ito, ayon sa kawani ng ahensiya na si Tom Miranda, ay nakita nila sa labas ng bodega ang tila handang itakas na mas marami pang piraso ng kahoy.
Dinala na sa impounding area ng provincial environment and natural resources office (PENRO) sa Palayan City ang mga narekober na kahoy, ani Blanco.
Ipatatawag naman ang mga taong nasasangkot sa iligal na aktibidad at sasampahan ng karampatang kaso ng paglabag sa Presidential decree 705 o illegal logging.