LUNGSOD NG MALOLOS – Aabot sa 500 katao ang nasiraan ng bahay matapos na manalasa ang isang buhawi noong Sabado ng gabi kung saan ay isa ang iniulat na namatay dahil sa atake sa puso.
Ayon kay Felicisima Mungcal, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMC), nagsimulang manalasa ang buhawi bandang alas-6 ng gabi at tumagal ng may 30 minuto.
Ang malakas na hagupit ng hangin ng buhawi ay nanalasa sa mga barangay na kinabibilangan ng Balungao, Frances, San Miguel, Sapang Bayan, Poblacion, Meysulao, Corazon, at Gatbuca.
Dahil sa lakas ng hangin, 37 bahay ang iniulat na partially damaged at apat ang iniulat na totally damaged.
Umabot naman sa 93 pamilya o halos 500 katao ang naapektuhan ng nasabing buhawi.
Isa ang iniulat na namatay dahil sa atake sa puso na nakilalang si Alberto Tolentino, 59 ng Barangay San Miguel.
Ngunit ayon kay Mungcal, kinukumpirma pa nila ang sanhi ng pagkamatay ni Tolentino dahil posibleng nagkataon lamang ito.
Ilan sa mga apektadong pamilya ay pansamantalang inilikas sa Calumpit sports complex, samantalang ang iba ay pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kaanak at kapitbahay.


