5 pulis, 2 iba pa sugatan sa demolition

    331
    0
    SHARE

    Nagsipagtakbuhan ang mga pulis at miyembro ng demolition team nang sumiklab ang apoy habang ginigiba ang gate ng residential area sa loob ng T&H Shopfitters Corporation para ipatupad ang writ of execution ng National Labor Relation Commission. Kuha ni Johnny R. Reblando

    CASTILLEJOS, Zambales —Sugatan ang dalawang miyembro ng demolition team at limang pulis nang magkagirian ang mga empleyado ng T&H Shopfitters Corp. at ng labor union nito habang ipinapatupad ang writ of execution “Break Open Order” ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa Barangay Balaybay sa bayang ito.

    Kabilang sa mga sugatang pulis ay sina PO1 Arwin Yanga, PO1 Xevier Ejanda, PO1 Pebbert Cardona, PO2 Pedro Vale at PO3 Alvin Baisa pawang mga nakatalaga sa Provincial Public Safety Company ng Zambales Police Provincial Office.

    Nagtamo naman ng second degree burns sa mukha ang magkapatid na sina Claudio Garcia, Jr., at Alvin Garcia pawang mga taga Bataan at miyembro ng demolition team.

    Pinangunahan ni Sheriff Jacobo C. Abril ng NLRC, kasama ang mga demolition team para i-execute ang “Break Open Order”, subalit hindi sila nakapasok nang sila ay pagbabatuhin ng bato, bote at iba pa.

    Ginamitan ng acetylene torch ang pintuang bakal para makapasok ang mga demolition team, subalit sinabuyan sila ng gasolina ng mga empleyado hanggang sa sumiklab at masunog ang dalawang miyembro ng demolition team na ikinasugat naman ng 5 pulis.

    Nagngingit-ngit naman sa  galit si Michael Munoz, dahil ang ginibang bakod ay hindi sakop ng kompanya bagkus iyon ay isang residential area.

    Isang concrete fence malapit sa main gate loob ng kompanya ang sinikap na gibain ng mga demolition team subalit hindi sila nakapasok dahil inulan sila ng mga bato ng mga empleyado na nasa loob ng  T&H Shopfitters Corp.

    Ayon naman kay Atty. Minester Moises Du, abogado ng T&H Shopfitters Corp. sasampahan nila ng kaso ang NLRC at demolition team dahil sa maling gate ang kanilang pinasok.

    Noong nakalipas na taon ipinatupad na ng NLRC ang 2nd alias writ of execution sa nasabing kompanya pero nabigo pa rin ang mga union employees na makuha ang kanilang levy sa nasabing kompanya alinsunod sa ipinag-uutos ng NLRC.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here