Home Headlines 5 pamilya nasunugan dahil sa naiwang may sinding kandila

5 pamilya nasunugan dahil sa naiwang may sinding kandila

198
0
SHARE
Photo courtesy of Mary Grace Malibiran Flores

PILAR, Bataan: Limang pamilya na naninirahan sa dalawang malaking bahay sa isang compound sa Barangay Sta. Rosa sa bayang ito ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na diumano’y likha ng kandila na naiwanang may sindi Martes ng gabi.

Sinabi ni SFO2 Carlos Bugay, Jr., deputy fire marshal ng Pilar, na nakatanggap sila ng tawag na may sunog alas-8:15 ng gabi na agad nilang nirespondihan sa loob ng tatlo hanggang apat na minuto.

Dalawang firetruck ng Pilar ang agad na dumating sa lugar at nang makita umano ni Bugay na malawak ang sunog ay tumawag siya ng back up sa Bureau of Fire Protection ng Balanga City na agad nagpadala ng dalawang firetrucks.

“Under control ang apoy 10:32 ng gabi at fireout ng alas-10:45 ng gabi ring yon, so tumagal ang sunog more or less 30 minuto bago namin totally naapula,” sabi ng deputy fire marshal.

Ayon kay Bugay, dalawang bahay ang nasunog na pinaghati-hati at pinagkasya ng limang pamilya.

“Sa initial investigation namin base sa spot report, initial pa lang ito hindi pa final, mayroong bahay doon na walang kuryente na nagsindi ng kandila sa ibabaw ng durabox na nakalimutan dahil nga may anak siyang pinapasuso o inaalagaan hanggang sa hindi niya napansin na nataob o nabuwal ang kandila at nasunog ang durabox,” patuloy ni Bugay.

Lumawak umano ang sunog hanggang sa hindi na na-control at tumawag na ng bumbero. Ang estimated damage, ani Bugay, ay P70,000 ngunit hindi pa ito final dahil patuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

“Ang advice ko sa ating mga kababayan lalo na kapag may pagkakataon na nawawalan tayo ng kuryente hangga’t maaari kung gagamit tayo ng kandila ilagay natin sa lugar na ligtas na walang posibleng madamay at kung sakaling mabubuwal ang kandila, ilagay nila sa palanggana na may tubig ang paligid para makalimutan man nila kusa itong mamamatay,” sabi ni Bugay.

“At hangga’t maaari kung talagang meron naman tayong pambili ng solar lights kung walang kuryente sa gabi mag-solar na lang. Automatic naman iyon nago-on at automatic namamatay kung sakaling lobat na,” sabi pa ng deputy fire marshal.

Tuloy pa rin daw ang kanilang paalaala na mag-ingat sa sunog.

Ayon kay Joseph Almario, nasa labas siya ng bahay nang biglang magkasunog. “Mataas na ang apoy. Ngayon pinilit kong patayin, sinabuyan ko ng tubig mula sa CR pero hindi ko mapatay. Pagsaboy ko umano na agad sa akin ang apoy, nasunog nga ang braso ko. Wala ngang natira kahit na isa kahit na damit walang natira.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here