OLONGAPO CITY – Nahulog sa bitag ng mga tauhan ng City Anti-Illegal Drug Special Operation Team (CAIDSOT) ang apat na hinihinalang drug pushers sa lungsod na ito, samantalang isa pa sa Subic, Zambales ang naaresto sa magkakahiwalay na drug operation ng pulisya.
Huli sa Olongapo City ang mga suspek na sina Ryan Catindig, 33; Audison Sundiam, 34; Mark Anthony Alonzo, 34, at Alma dela Cruz, pawang residente ng Barangay New Cabalan, Olongapo City.
Si Catindig ay huli sa aktong iniaabot ang isang plastic sachet ng shabu sa isang police poseur buyer sa halagang P500 habang ito ay nasa loob ng Izuzu Sportivo (ZPE-493), samantalang sina Sundiam, Alonzo at Dela Cruz ay nakuha naman sa kanilang pag-iingat ang ilang plastic ng shabu.
Ang mga suspek ay naka-detine sa Police Station 1, at ipinagharap na ng kasong paglabag sa RA 9165. Sa Subic, Zambales, huli naman ang suspek na si Ricardo Ebue, 42, ng Barangay Asinan Poblacion nang mapagbilhan nito ng shabu ang isang pulis Subic habang nagsasagawa ng intel monitoring ang team na pinamunuan ni Chief Inspector Oriano Mina kaugnay sa mga napapaulat na robbery incident sa naturang Barangay.
Ang suspek ay detinido sa Subic PNP at ipinagharap na ng kasong paglabag sa RA 9165.