OLONGAPO CITY—Limang katutubong Aeta ang nasakote ng mga tauahan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa aktong nagdedeliber ng illegal na pinutol na kahoy sa kabundukan ng Barangay Old Cabalan sa lungsod na ito.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni CENRO Marife Castillo, kinilala ang mga suspek na sina Magdalena De Atras, Ronald De Villena, Evan Cabalic, Rodel Baclay at Selwyn Cosme pawang mga residente ng Block 16, Barangay Gordon Heights, Olongapo City.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang may mahigit sa 215 na board feet na nilagaring kahoy ng gmelina.
Sa isinagawang imbestigasyon ni Lemuel Durigo, chief ng Forest Protection Unit, walang kaukulang permiso
mula sa CENRO ang mga suspek para magputol ng kahoy mula sa kabundukan ng Old Cabalan. Ayon sa DENR bagamat plantation tree ang gmelina, kinakailangan pa ring kumuha ng permiso sa DENR para maging legal ang gagawing pagpuputol.
Itinanggi naman ni Barangay Old Cabalan Chairman Basilio Palo na siya ang nagutos sa mga suspek kasasunod ng pagsasabing “hindi ko mga tauhan ang mga yan at wala akong inuutusan kahit sinuman na magputol ng kahoy”.
Ang mga nakumpiskang kahoy ay nasa pangangalaga na ng CENRO-DENR, samantalang ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o illegal cutting of tress.