BOCAUE, Bulacan (PIA) — Isinusulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging kasapi ng Social Security System (SSS) ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), partikular na ang mga matagumpay nang nakatawid sa kahirapan.
Aabot sa 20,039 pamilyang Bulakenyo ang mga nagsipagtapos sa 4Ps ngayong kalagitnaan ng 2024 base sa tala ng DSWD.
Sa ginanap na Nationwide SSS Registration Day sa bayan ng Bocaue, ipinaliwanag ni DSWD Social Welfare and Development Office Bulacan Institutional Partnership and Development Officer John Altheo Sarmiento na mas mainam na unang subukan na gawing kasapi ng SSS ang mga 4Ps na nakapagtapos o graduate na sa programa.
Ito’y upang hindi masasayang ang pagkakasapi sa kanila at maging tuluy-tuloy ang paghuhulog para matiyak na matatamo ang mga benepisyo sa tamang panahon at pagkakataon.
Bahagi ito ng nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng SSS at DSWD upang magkaroon ng abot-kayang social insurance ang mga benepisyaryo ng 4Ps sa ilalim ng umiiral na AlkanSSSya program ng SSS.
Ang SSS ay isang government owned and controlled corporation na may mandato na tiyakin na may maaagapayan sa mga panahon ng panganganak at pagreretiro.
Gayundin ang pagiging sandigan tuwing may hindi inaasahang pangyayari gaya ng pagkawala ng trabaho, pagkakasakit, pagkabaldado, kamatayan hanggang sa paglilibing.
Kaya naman para kay SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada, layunin ng programang ito na patuloy na mayroong maasahan ang mga pamilyang ito kahit tapos na ang pagiging benepisyaryo nila ng 4Ps.
Dagdag pa niya, mayroong social insurance package na binabalangkas ang SSS upang maging “future ready” bukod sa makakaalis at makakaahon sa kahirapan.
Ibig sabihin, ang perang maiihuhulog sa SSS ay magiging pagkukuhanan ng ikabubuhay balang araw at lalo na sa pagtanda.
May halagang P570 lamang ang maaaring ihulog na minimum premium ng isang pamilyang 4Ps sa AlkanSSSya program kada buwan.
Sila ay magiging pasok sa klasipikasyon na self-employed na kasapi ng SSS.
Ang sistema, ayon pa kay Andrada, magtatakda ng takdang araw o schedule ang SSS E-Wheels kada buwan sa isang partikular na bayan o lungsod upang doon iproseso ang pagtanggap sa kontribusyon ng mga pamilyang 4Ps.
Hindi na kailangang sumadya pa sa mga sangay o branches ng SSS.
Hinikayat din sila na tangkilikin ang iba’t ibang online at digital payment platforms upang mas mapadali ang paghuhulog ng kontribusyon sa SSS.
Para naman sa durasyon ng pagkakatamo ng benepisyo, pinaalalahanan din ni Andrada ang mga pamilyang 4Ps na kailangang umabot ng 36 buwan ang paghuhulog upang maging kwalipikado sa unang multipurpose loan, mga pensiyon sa pagkakaroon ng kapansanan at kamatayan.
Kailangang nakapaghulog naman ng kontribusyon sa loob ng 120 na buwan upang makatamo ng pensiyon sa pagsapit ng edad na 60.
Kaugnay nito, mayroong 61, 913 na mga active o kasalukuyang benepisyaryo ng 4Ps sa Bulacan ang potensiyal pang maging kasapi ng SSS.
Kinakailangan lamang na mas maihanda sila sa aspetong saykolohikal, pinansiyal at pananaw upang masegurong maging tuluy-tuloy ang paghuhulog.
Kabilang dito si Marieta Salonga, 55 taong gulang, na taga Barangay Caingin sa Bocaue.
Malaki aniya ang inaasahan nilang mag-asawa sa mga benepisyo sa SSS lalo na sa pagtanda.
Kung sakali man na may hindi inaasahang pangyayari, naniniwala at nagtitiwala siyang mayroong paghuhugutan mula sa mga benepisyo ng SSS.
Isang pambansang programang panlaban sa kahirapan ang 4Ps na pinasimulan ng DSWD noong 2007.
Pinagkakalooban ang mga pamilyang mahihirap na natukoy sa National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan ng tulong pinansiyal, sa kondisyon na ipapasok ang mga anak nila sa paaralan, regular na makapagpatingin sa health center, regular na makapagpa check-up kung buntis, at lalahok sa mga family development session. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)