IBA, Zambales (PIA) — May kabuuang 485 magsasaka sa Zambales ang tumanggap ng tig P5,000 ayuda mula sa Department of Agriculture (DA).
Ito ay sa ilalim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).
Ayon kay DA Regional Rice Focal Person Lowell Rebillaco, ang mga benepisyaryo ay nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture at nagmamay-ari o nagbubungkal ng palay na may dalawang ektarya pababa ang sukat ng sakahan.
Tinanggap ng mga benepisyaryo ang pinansyal na tulong sa pamamagitan ng Universal Storefront Services Corporation Mobile Caravan.
Bukod sa ayuda, tumanggap din ng food packs ang mga benepisyaryo mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ang pondo ng RFFA ay nakabase sa kabuuang nakokolekta mula sa sobrang mga kita sa taripa ng RCEF batay sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law. (CLJD/RGP-PIA 3)