LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsagawa ng protest rally ang isang grupo ng tsuper at jeepney operators sa sa kahabaan ng MacArthur Highway sa bahagi ng Barangay Longos kasabay ng tigil-pasada ng grupong Manibela, Oktubre 16.
Ayon kay Reggie Manlapig, director ng Calumpit Manibela, nasa 100% ng 450 na kanilang mga miyembro ang nakilahok sa tigil-pasada para sa mga byaheng Malolos at City of San Fernando, Pampanga.
Ang kanilang protesta ay para tutulan na ialis ang mga traditional jeepney dahil hindi nila kaya ang gastusin sa pagbili at maintenance ng modern jeep.
Parang nawalan na din daw sila ng hanapbuhay kapag nawala ang traditional jeepney na mas magaan ang maintenance at available ang mga pyesa kumpara sa modernized jeep.
Titigil sila sa kanilang protesta kung agad silang papakinggan ng gobyerno sa kanilang mga hinaing pero kung hindi ay patuloy daw silang mangangalampag.
Panawagan din nila ang pagreresign ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III dahil sa isyu ngayon ng kurapsyon sa nasabing ahensya.