LUNGSOD NG MALOLOS – Isinailalim sa Creative Digital Content Creation Program ng Department of Trade and Industry o DTI ang 41 micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Bulacan.
Ang mga inisyal na benepisyaryo ay mga MSME na nakakapag-export at maging nasa lebel na kalahok sa One Town, One ProductNext Generation Program.
Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, prayoridad ng ahensya ngayong 2022 na mas palakasin ang mga inisyatibo para sa innovation, digitalization at sustainability ng mga MSME.
Ito’y upang maging tuluy-tuloy ang pagbebenta nila sa malaking merkado sa tulong ng E-Commerce.
Ayon pa kay Dizon, kinakailangan ding magpatuloy ang mga hanapbuhay kahit ngayong may pandemya pa, sa pamamagitan ng mga promosyon at bentahan kahit hindi nagkakakita-kita nang personal.
Magkatuwang na itinataguyod ang Creative Digital Content Creation Program ng Center for International Trade Expositions sa tulong ng Small and Medium Enterprise Roving Academy at mga Negosyo Center.
Dito sila tinuruan kung paano palalakasin ang content, marketing, selling at payments system sa pamamagitan ng mga apps, websites at social media.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang Chelsi Leather and Services Inc. ng Meycauayan, Haspe Designs furnitures ng Baliwag at Ian Tanya Couture Barong and Gowns ng Pandi.
Kasalukuyan namang isinasailalim sa ebalwasyon ang iba pang mga benepisyaryong MSMEs na nasa sektor ng manufacturing, non-food, herbal at clothing na isasalang sa kalagitnaan at huling bahagi ng taong ito.
Kaugnay nito, target ding maipasok sa Creative Digital Content Creation Program ang may 2,441 na mga MSME sa Bulacan na nakakapagtinda na sa mga E-Commerce platforms gaya ng Lazada at Shopee.
Isa ang Rose Garcia Longganisang Calumpit sa mga nai-on board sa E-Commerce platforms na itinampok sa ginanap na Kapehan with Media Partners.
Umaabot na sa 13.5 milyong piso ang halaga ng naitatalang sales o benta ng mga MSMEs sa Bulacan sa pamamagitan ng nasabing mga E-Commerce platforms. (CLJD/SFV-PIA 3)