IBA, Zambales – Apat na Wanted Persons na may iba’t-ibang kasong kinasasangkutan ang dinakip ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Zambales.
Huli ng Zambales Criminal Investigation and Detection Team (ZCIDT) ang suspek na si Salbador Ebidag, 48, residente ng Barangay Uacon, Candelaria, Zambales sa bisa ng warrant of arrest sa kasong Sexual Abuse in Relation to RA 7610, Attempted Rape at Rape ng walang kaukulang piyansa.
Ang suspek ang pang-anim sa Most Wanted Persons sa bayan ng Candelaria.
Sa bayan ng Castillejos Zambales, arestado naman ang tatlong wanted persons na kinilala Inspector Geoffry Javier na sina Romeo Tapic, 24, residente ng Barangay San Nicolas na may kasong Rape ng walang kaukulang piyansa; Julieto Atienza, 45, ng Barangay San Jose; at Cesario Del Rosario, 33 ng Barangay Balaybay na pawang may kasong Attempted Homicide na may kaukulang piyansang tig-P12,000 bawat isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.