4 pinatay sa magkakahiwalay na lugar sa Bataan

    535
    0
    SHARE

    BALANGA CITY, Bataan – Apat na tao ang pinatay ng hindi pa kilalang mga suspek sa magkakahiwalay na lugar sa Bataan nang nakaraang linggong.

    Batay sa report ng pulisya, tatlo sa mga ito ang may tama ng baril samantalang ang isa ay tinadtad ng saksak samantalang dalawa sa mga  biktima ang pinagbabaril ng dalawang taong nakasakay sa motorsiklo.

    Natagpuan ang bangkay ni Jonathan Malansumugat, 29, isang security guard ng Orani, na may 20 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan malapit sa Bataan superhighway sa Sabatan, Orion Lunes ng hapon. Pinaniniwalaang pinatay siya sa ibang lugar at itinapon lamang sa Sabatan.

    Dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang bumaril alas-6 ng gabi ng Martes kay Rodolfo dela Cruz, 64, dating manggagawa ng Bataan Provincial Hospital, habang ang biktima ay nakaupo sa papag malapit sa kanyang bahay sa Cataning, dito.

    Nagtamo ng dalawang tama sa mukha ang biktima mula sa kalibre .45 baril at namatay noon din.

    Si Lamberto del Rosario ng Sibul, Orani ay kasalukuyang nasa kanto ng Mulawin, Orani malapit sa national road nang pagbabarilin 6:45 ng gabi ng Miyerkules ng dalawang lalaking diumano’y nakasuot ng bonnet at may hawak na M-l6 armalite rifle at caliber .45 pistol.

    Nagtamo ang biktima ng pitong tama ng baril sa leeg, tiyan, braso at ibang bahagi ng katawan at idineklarang dead on the spot. Nakuha ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng caliber .45 pistol at isang basyo ng M-16 armalite rifle. Isang slug ng caliber .45 pistol ang inalis na nakatimo sa kanyang katawan.

    Tumakas ang mga suspek sakay ng isang saradong van na diumano’y walang plaka pagawi sa direksiyon ng Balanga City.

    Ang pang-apat na biktima ay si Levi Morales Reyes, 34, ng Saguing, Dinalupihan, Bataan na binaril bandang 7:30 ng gabi ng Miyerkules ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo.

    Isinugod siya sa James Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City ngunit namatay siya bandang alas-10 ng gabi mula sa dalawang tama ng baril ng hindi pa batid na kalibre.

    Kasalukuyang namamasada ang biktima ng kanyang pampasaherong sasakyan nang paghinto niya sa Roosevelt, Dinalupihan upang magsakay ng pasahero ay nilapitan siya at pigbabaril ng mga suspek na diumano’y sumusubaybay sa kanyang biyahe.

    Si Reyes ay kabilang sa  Board of Directors ng Dinalupihan-Olongapo Transport Service Coop.
    Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa mga pangyayari at paghanap sa mga salarin.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here