Home Headlines 4 na proyekto ng SHINE Bulacan, inilunsad ng CHED

4 na proyekto ng SHINE Bulacan, inilunsad ng CHED

422
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal nang inilunsad ng Commission on Higher Education o CHED ang apat na proyekto na nakapailalim sa Sustainable Heritage Imbibing Nationalism through EduTourism o SHINE Bulacan.

Kabilang na riyan ang HASAAN Center o ang Handcrafts and Arts from Society for Appreciation and Advancement in Nation, ang HASAAN Semi-Mobile Exhibit, Bulacan Cultural Material Laboratory at ang binuong SHINE Bulacan official website.

Sinabi ni CHED Chairperson J. Prospero De Vera III na layunin ng mga proyekto na maitawid at maipamana sa mga kabataan at bagong henerasyon ng mga Bulakenyo ang mayamang sining, kultura at kalinangan.

Kinakailangan aniyang isunod ang pagsasanay sa mga guro upang maging epektibo sa pagtuturo ng mga pamana at ganap na maipasa ang karunungan at kakayahan sa mga mag-aaral.

Pinangunahan ni Commission on Higher Education Chairperson J. Prospero De Vera III ang paglulunsad ng apat na proyekto na nakapailalim sa Sustainable Heritage Imbibing Nationalism through EduTourism o SHINE Bulacan sa Bulacan State University. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Kaya’t minarapat ng CHED na ilaan ang 15 milyong pisong pondo sa Bulacan State University  o BulSU na partikular na ipinatupad ng College of Hospitality and Tourism Management o CHTM.

Ang pondong inilaan sa nasabing proyekto ay mula sa koleksyon ng travel tax ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA.

Base sa Republic Act 9593 o ang Tourism Act of 2009, may 40 porsyento na alokasyon ang TIEZA para sa CHED upang mapondohan ang iba’t ibang proyekto at programang panturismo ng mga state universities and colleges.

Pangunahin sa mga proyekto ang HASAAN Center na magsisilbing sanayan o hasaan ng mga kabataan at maging ang mga interesadong indibidwal upang matuto sa paggawa ng mga pamanang likha.

Maaaring matuto rito kung paano gumawa ng Puni na isang likhang kamay na sining mula sa dahon ng Niyog, Buli o Buntal ng Malolos, paggawa ng sambalilong Buntal ng Baliwag, pagkayas ng Kawayan para sa arkong Singkaban, Borlas ng Pastillas ng San Miguel at iba pang pamanang sining ng lalawigan.

Ang HASAAN Center ay may exhibit, training at themed rooms kung saan aktuwal na tuturuan at sasanayin ng mga heritage workers at advocates ang mga magiging kalahok.

Binigyang diin ni CHTM Dean Aimee Grace Madlangbayan na bukod sa pagpapasa ng pamanang karunungan, magsisilbi ring isang mekanismo ang HASAAN Center upang maging kabuhayan ang nasabing mga pamana.

Ito’y maaaring ialok bilang pasalubong o souvenirs sa mga turistang bumibisita sa lalawigan. Matatagpuan ang HASAAN Center sa unang palapag ng BulSU Hostel na isinailalim sa renobasyon.

Pangalawang proyekto ang Semi-Mobile Exhibit na magsisilbing extension ng HASAAN Center.

Isa itong E-Tricycle na binuo ng College of Industrial Technology na sasadya sa iba’t ibang dako ng Bulacan upang magbigay ng mga kasanayan

Pinasinayaan din ni De Vera ang bagong tatag na Bulacan Cultural Material Laboratory ng Center for Bulacan Studies na inilagak sa ikalimang palapag ng CHTM Building.

Isa itong research laboratory na mangangalaga, magsusuri at magpapalaganap ng kaalaman sa mahahalagang materyales na may kinalaman sa kasaysayan, na naaayon sa Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009

Halimbawa na rito ang mga specimens na makukuha mula sa resulta ng mga isinagawang pang-arkeyolohikal na paghuhukay ay dito susuriin at ipepreserba gaya ng stone, pottery, bone, shell at mga textiles na posibleng ginamit sa panahon ng pre-historiko at sinaunang sibilisasyon.

Kaugnay nito, makikita naman ang lahat ng detalye kung paano mapapakinabangan at makakalahok ang mga karaniwang mamamayan sa mga proyektong binuo sa ilalim ng SHINE Bulacan, sa pamamagitan ng binuong official website.

Sa kasalukuyan, mayroon itong inisyal na mga impormasyon tungkol sa Bulacan Archeology, Biak-na-Bato National Park na San Miguel at Donya Remedios Trinidad, Archive ng mga batayang pangkasaysayan at ang promosyon sa turismo ng Bulacan.

Katuwang ng BulSU sa pagkonsepto at pagsasakatuparan ng mga proyekto ang Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office.(CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here