LUNGSOD ng Balanga: Patay ang apat na mag-aanak matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Camacho sa lungsod na ito ng Bataan noong Linggo pasado alas-5 ng madaling-araw.
Kinilala ni FSInsp Ronnie Jairi, city fire marshal, ang mga nasawi na sina Zenaida Jose, 67; Augusto Jose 54; Jemmielyn Jose, 24 at Jaila Lucero, 3.
Sinabi ng fire marshal na hindi nakalabas ang mag-aanak dahil naka-lock ang pintuang bakal at may mga grills naman ang mga bintana.
Patuloy pa umano ang kanilang imbestigasyon sa kung ano ang dahilan ng sunog bagama’t may tinitingnan silang ulat na dahil walang kuryente ay may sinding kandila sa bahay.
Ayon kay Jairi, nakatanggap sila ng tawag na may sunog alas-5:11 ng umaga kaya agad-agad na nagdispatsa siya ng dalawang firetruck. Nagsimula umano silang patayin ang apoy 5:15 ng umaga na na-fire under control ng 5:45 at na-fire-out ng 5:48 ng umaga ring iyon.
Hindi nakalabas, ani Jairi ang tatlong babae at isang lalaki dahil kahit mga kapitbahay ay hindi nabuksan ang steel gate na nakandado sa loob. Ang mga bintana naman, aniya, ay may mga grills.
“Nakakalungkot. Pinapayuhan natin ang mga may ari ng bahay na huwag nang maglagay ng mga grills sa mga bintana, dapat ‘yong nabubuksan kapag may emergency. Ibayong pag-iingat sana sa mga kababayan natin,” sabi ng fire marshal.
Sinabi ni Punong Barangay Rosario Talastas na hindi kumalat ang apoy sa dikit-dikit na mga bahay sa barangay at isa lamang ang nasunog dahil sa mabilis na responde ng Bureau of Fire Protection ng Balanga bukod pa sa walang masiyadong hangin ng mga oras na iyon.
Nakikidalamhati, ani Talastas, ang buong barangay sa sinapit ng mag-aanak. (30)