SUBIC, Zambales – Dinakip ng pinagsanib na tauhan ng Zambales PNP at Maritime Police ang apat katao sa isinagawang anti-illegal logging operation sa bayang ito.
Huli ng team na pinamunuan nina Senior Inspector Jelson Dayuapay at Senior Inspector Alfredo Simbol ng PNP Maritime ang mga suspek na sina Tirso Balintay, 38, ng Barangay Villar, Botolan, Zambales; Beth de Atras, 46, ng Iram, New Cabalan, Olongapo City; at George dela Cruz, 24, ng Barangay Barangay San Isidro, Castillejos, Zambales.
Dinakip din ng pulisya ang driver ng jeep na si Sotero Mendaros Jr., 35, ng No. 129 Kalaklan, Olongapo City.
Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang 22 piraso ng nilagaring mga mahogany at gmelina na may kabuuang sukat na 2,318 board feet na nagkakahalaga ng P8,000.
Naka-impound din ang pampasaherong jeep na may plakang CXB-423, body number J09-090 na pinagsakyan sa mga illegal na kahoy.
Ang mga suspek ay nasa custody ng Subic PNP at ipinagharap na sa kasong illegal logging.