SUBIC, Zambales –Kalaboso ang sinapit ng apat na kalalakihan na benepisyaryo ng Social Amelioration Program nang madatnan at maaktuhan silang nag–iinuman sa balkonahe ng kanilang bahay sa Barangay Wawandue sa bayang ito.
Kinilala ni Major Gilbert Diaz, hepe ng Subic Municipal Police Station, ang mga suspek na sina Cenon Delima y Dacullas, 59; Henry Diaz y Villanueva, 54; July Morales y Bandol, 35; at Gerry Sinahon y Gonzales, 45, pawang mga residente ng Purok 4, Barangay Wawandue, at napag-alamang nakakuha ng ayuda mula sa SAP.
Ayon sa ulat, isang tawag ang natanggap ng pulisya sa nasabing lugar na may ilang kalalakihan na nag–iinuman at napakaiingay kung kaya kaagad itong pinuntahan at huli ang isa mga suspek na tumatagay pa ng Emperador Light sa harapan ng kanyang kainuman na halos magkakadit na at hindi alintana ang physical distancing na ipinapatupad sa ilalim ng enhancedcommunity quarantine.
Ang mga suspek ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Section 3, Executive Order No. 9; Section 9 (d) ng R.A. 11332 at municipal ordinance on liquor ban.