LUNGSOD NG CABANATUAN – Tuluyan na ring gumaling ang dalawang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease na naka-admit sa isang ospital dito.
Ayon sa ulat ng Nueva Ecija Inter-Agency Task Force, kinumpirma ng Department of Health na naka-recover sina Patient 61 at Patient 64 na kapwa naka-admit sa Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.
Dahil dito ay umangat sa 58 mula sa 68 na confirmed Covid-19 cases ng probinsya ang lubusang naka-recover mula sa simula pandemya hanggang nitong gabi ng June 19.
Sa record ng NE–IATF, si Patient 61 ay isang 36–anyos na babaeng call center agent sa Maynila at residente ng Barangay San Francisco, San Antonio; samantalang si Patient 64 ay 34-anyos, isang engineer, residente ng Barangay Mayapyap Sur, Cabanatuan City.
Apat na lamang ngayon ang nalalabing aktibong kaso ng Covid-19 sa talaan ng NE-IATF. Ang mga ito ay pawang naka-quarantine sa iba’t ibang pasilidad sa National Capital Region.
Nauna nang inanunsyo ng NE–IATF ang pagka-recover ng anim na pasyente kamakalawa.
Kinabibilangan ito nina Patient 43, 29-anyos na babae ng Barangay Sumacab Este dito; Patient 51, 34-anyos na babae mula sa Manggang Marikit, Guimba; Patient 57, 49-anyos na lalaking locomotive operator at residente ng Barangay Liberty, Pantabangan; Patient 59, 25-anyos na architect ng Pantoc, Zaragoza; Patient 60, 27-anyos mula sa Bahrain na residente ng Caanawan, San Jose City; at Patient 62, ang 34-anyos na lalaki mula sa San Mariano, San Antonio.
Ang Nueva Ecija ay nasa ilalim rin ng modified community quarantine (MGCQ), transisyon patungo sa tinataguriang new normal sa gitna ng paglaban ng bansa sa pandemya.