LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — May kabuuang 36 na medalya ang naiuwi ng mga batang atleta ng Bulacan mula sa katatapos na Batang Pinoy 2023.
Kabilang na riyan ang pitong ginto at limang pilak sa swimming; tatlong ginto at isang pilak sa gymnastics; dalawang ginto, apat na pilak at apat na tanso sa chess; isang ginto sa arnis; tig-isang pilak sa taekwondo at wrestling; tatlong tanso sa weightlifting; dalawang tanso sa athletics; at isang tanso sa archery.
Sa kanyang mensahe, binati at pinuri ni Gobernador Daniel Fernando ang mga nagwagi sa kanilang matagumpay na pagrepresenta sa lalawigan sa naturang kumpetisyon.
Malaking tagumpay anya ang naiuwing medalya hindi lamang para sa mga atleta kundi maging para sa lalawigan.
Umaasa si Fernando na marami pang kabataang atleta ang susunod sa mga yapak ng mga nagsipanalo.
Ang Philippine Youth Games o Batang Pinoy ay isang pambansang kumpetisyong pangpalakasan na idinisensyo para sa mga indibidwal na may edad 15 taong gulang pababa.
Maaari ding lumahok dito ang mga out-of-school youth. (CLJD/VFC-PIA 3)