324 sa 823 apektadong manggagawa sa Bulacan, tuluyang nawalan ng trabaho

    378
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Umabot na sa 823 ang apektadong manggagawa sa Bulacan kabilang ang 324 na nawalan ng trabaho mula noong Nobyembre dahil sa pandaigdigang krisis pang-ekonomiya na nagmula sa Estados Unidos.

    Ayon kay Larry Villanueva ng tanggapan ng DOLE sa Bulacan, kabilang sa 823 manggagawang apektado ng krisis sa lalawigan mula noong Nobyembre ay ang 324 katao na nawalan ng trabaho.

    Ito ay dahil sa tatlo na kumpanya ang nagsara sa lalawigan, samantalang dalawa namang kumpanya ang pinagretiro ang ilang manggagawa.

    Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Four Seasons Garments sa Guiguinto kung saan ay 68 trabahado ang nawalan ng trabaho; Bounty Fresh store sa Pulilan, 3; at Manila Luggage sa bayan ng Marilao kung saan ay 168 ang nawalan ng trabaho.

    Ayon kay Villanueva, ni-retrench o pinagretiro naman ng Republic Cement sa Norzagaray ang 68 trabahador samantalang ang sa Vitarich Corporation sa Marilao ay 17.

    Umabot naman sa 499 na manggagawa sa anim na kumpanya sa lalawigan ang sumailalim sa forced leave o pansamantalang bakasyong walang bayad, at reduced working hours o pagbabawas ng oras ng trabaho.

    Ito ay ang mga kumpanyang Huey Industries sa Calumpit kung saan ay 29 na manggagawa ang nasa ilalim pa rin ng maikling oras na trabaho o job rotation; Sun King Electronics sa Malolos, 254; Inchem Industries sa Guiguinto, 57; Yosiko Semi-conductors sa Panghulo, Obando, 15; Proudly Filipino sa Guiguinto, 11; at MCX motor assembly sa Lungsod ng Meycauayan kung saan ay 133 ang apektadong trabahador.

    Ipinaliwanag ni Villanueva na ang pagbabawas sa oras ng trabaho ng manggagawa ay isang paraan ng cost cutting o pagtitipid ng mga kumpanya.

    “May pag-asa pa rin sila, pag gumanda ang benta tataas uli ang demand at production kaya mababalik sila sa trabaho,” aniya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here