LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan (PIA) — Tampok ang mga produktong Tatak Bulakenyo sa 24th Likha ng Central Luzon Trade Fair na gaganapin sa SM Megamall mula Oktubre 26 hanggang 30.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Bulacan Provincial Director Edna Dizon, lalahukan ito ng 31 na mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs na pawang mga benepisyaryo na ng progaramang One Town, One Product o OTOP Next Generation ng ahensiya.
Kabilang sa mga ito ang 13 MSMEs na magbebenta ng kanilang mga produktong pagkain gaya ng processed foods, condiments, sweets and delicacies, coffee, fruit juices, healthy drinks, cacao-based products, mushroom products, at milk products.
Nasa 18 MSMEs naman ang magbebenta ng non-food products gaya ng furniture, woodcraft, home furnishings, lanterns, Capiz lamps, Christmas decorations, bamboo based products, garments, outdoor gear, wearables, gifts, bags, wallets, novelty items, organic products, cosmetic products, shoes, sandals, jewelry, gems, crystals, leather goods, at sabutan products.
Binigyang diin ni Dizon na pangunahing pamantayan sa paglahok sa Likha ng Central Luzon ang kakayahan ng isang MSME na masuplayan ang demand o order ng mga potensiyal na large scale buyers gaya ng mga department stores, supermarkets, at maging ng mga style at membership shopping.
Samantala, target ng DTI Bulacan na matamo ang tatlong milyong kita mula sa mga kalahok na MSMEs mula sa lalawigan sa limang araw na trade fair.
Katuwang ng DTI sa pagdaraos nito ang Regional Development Council ng Region III, Philippine Information Agency, mga pamahalaang panlalawigan ng pitong lalawigan ng Gitnang Luzon, Micro, Small and Medium Enterprises Development Council, Central Luzon Growth Corridor Foundation Inc., at Philippine Exporters Confederation Inc. (MJSC/SF-PIA-3)