Home Headlines 300 residente sa Zambales nakinabang sa Serbisyo Caravan ng pamahalaan

300 residente sa Zambales nakinabang sa Serbisyo Caravan ng pamahalaan

226
0
SHARE

IBA, Zambales (PIA) — Nasa 300 residente ng bayan ng Iba sa lalawigan ng Zambales ang nakinabang mula sa mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ito ay sa ilalim ng Retooled Community Support Program na naglalayon na paigtingin ang kooperasyon ng pamahalaan at komunidad upang labanan at wakasan ang insurhensya sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong sa mga mamamayan.

Sa kanyang mensahe ay binigyang diin ni Department of the Interior and Local Government Zambales OIC-Provincial Director Melissa Nipal na ang Serbisyo Caravan ay isang mahalagang hakbang upang agad matugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad.

Nasa 300 residente ng bayan ng Iba sa lalawigan ng Zambales ang nakinabang mula sa Retooled Community Support Program Serbisyo Caravan ng pamahalaan. (DILG Region 3)

Aniya, ang layunin ng gawain ay hindi nagtatapos dito bagkus ay magpapatuloy pa sa mas malalim na pakikipag-ugnayan at pagtutulungan upang mahanapan ng pangmatagalang solusyon ang mga ugat ng problema.

Samantala, sinabi naman ni Iba Mayor Irenea Binan na napakahalaga para sa kanilang bayan ang ganitong aktibidad dahil isa ito sa mga pagkakataon na nailalapit ng gobyerno ang mga serbisyo sa publiko.

Hinimok rin niya ang mga benepisyaryo na huwag magdalawang isip na humingi ng tulong dahil mayroong pamahalaan na handang tumugon.

Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang libreng gupit, libreng tsinelas, libreng konsultasyong medikal, libreng gamot para sa mga nangangailangan, at libreng pagrehistro ng pananim, alagang hayop at insurance ng bangka.

Nagkaroon din ng libreng pagbibigay ng Certificate of Enrollment para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Alternative Learning System, libreng sketch ng electrical layout, libreng konsultasyon para sa application for business permit, at pagsasanay sa paggawa ng dishwashing liquid. (CLJD/RGP, PIA Region 3-Zambales)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here