Home Headlines 300 estudyante ng NEUST nakiisa sa talakayan sa HIV, TB

300 estudyante ng NEUST nakiisa sa talakayan sa HIV, TB

866
0
SHARE

Humigit kumulang 300 mag-aaral ng Nueva Ecija University of Science and Technology ang lumahok sa ikatlong leg ng Kilos Kabataan Kontra HIV at TB virtual forum. (Paul John Lopez/PIA 3)


 

LUNGSOD NG CABANATUAN — Humigit kumulang 300 mag-aaral ng Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST ang lumahok sa ikatlong leg ng Kilos Kabataan Kontra HIV at TB virtual forum.

Ito ay inorganisa ng Philippine Information Agency o PIA at United States Agency for International Development TB Platforms o USAID’s TB Platforms sa pakikipagtulungan sa Department of Health o DOH, pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija at ang naturang pamantasan.

Si NEUST President Feliciana Jacoba. (Camille C. Nagano/PIA 3)

Sa kanyang mensahe, sinabi ni NEUST President Feliciana Jacoba na napapanahong talakayin ang mga ganitong paksa partikular para sa mga kabataan hindi upang magbigay takot o pangamba bagkus ay maipaunawa ang kahalagahan ng pag-iingat sa kalusugan at sa sarili.

Ang mga kabataan aniya ang bumubuo sa mayorya ng populasyon ng bansa na silang dapat na pangalagaan at linangin ang kaisipan lalo’t nakasalalay ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mabuting kalusugan.

Panawagan ni Jacoba sa mga mag-aaral, habang nag- iingat sa banta ng pandemyang COVID-19 ay manatiling maging maalam at makilahok sa iba pang usaping pangkalusugan at sa lipunan na maaaring makatulong bilang mga instrumento sa pagpapalawak ng mga mahahalaga at tiyak na impormasyong mapakikinabangan ng pamilya at kapwa.

Kanyang payo sa mga mag-aaral ay mahalin at pangalagaan ang kalusugan sa pamamagitan ng pamumuhay nang may disiplina at maging mabuting ehemplo upang pamarisan ng kapwa kabataan.

Hinihikayat naman ni Nueva Ecija Provincial Youth Development Office Head Billy Jay Guansing ang mga kabataan sa lalawigan na gamitin ang lakas at boses upang tumulong sa pamahalaan at sa kinabibilangang komunidad upang mapuksa ang iba’t ibang karamdaman tulad ng HIV, TB at COVID-19.

Kabilang sa mga lumahok na estudyante ng NEUST ang mga naka-enroll sa student exchange program mula sa Universitas Muhammadiyah Purwokerto sa bansang Indonesia at ilang mga youth leaders sa lalawigan.

Nagsibling mga ispiker sa naturang webinar sina DOH Regional HIV Program Manager Joseph Michael Manlutac, USAID’s TB Platforms Operations and Area Manager for Central Luzon Rhodora Cruz, USAID’s TB Platforms Social and Behavior Change Communication Specialist Diwata Paredes, at Cavite Positive Action Group Executive Director Joseph Honra.

Hangad ng PIA na sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga kagayang aktibidad ay maipaunawa sa nakararami ang mga isinusulong na programa ng gobyerno at mga katuwang na ahensya hinggil sa mga kasalukuyang usapin sa lipunan.

Kaugnay nito ay binigyang pagkilala ni PIA Regional Director William Beltran ang malaking maiaambag ng mga kabataan upang makatulong sa gobyerno sa paghahatid ng mga totoo at napapanahong impormasyon upang makatulong sa pamumuhay ng mga kapwa mamamayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here