LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Ibinida ng 30 micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang kanilang mga produkto sa idinaos na CABan ng Tuwa Trade Fair sa lungsod ng Cabanatuan.
Ang aktibidad ay bahagi pa rin ng selebrasyon ng Banatu Festival bilang tampok sa pagdiriwang ng ika-75 taong pagkakatatag ng siyudad.
Ayon kay City Livelihood and Cooperatives Development Office (CLCDO) Head Lucille Batalla, ang pagdaraos ng trade fair ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay hangad na mahikayat ang mga nagnenegosyo na i-showcase ang kanilang mga gawang produkto.
“Karamihan sa mga lumahok na MSMEs ay mula sa lungsod ng Cabanatuan, na kung saan ang aktibidad ay naging bukas din para sa mga kooperatiba na mula sa mga karatig bayan tulad sa Santa Rosa at Laur,” pahayag ni Batalla.
Maliban sa mga meat products na dinarayo sa siyudad ay tinututukan din ng CLCDO ang pagpapakilala at pagpapaunlad ng iba pang produkto na mabibili sa lungsod, tulad ng peanut butter, chips na gawa sa kangkong, kalabasa, at mushroom.
Gayundin ang umuusbong na paggawa ng mga bayong o handpainted woven bags na likha ng Kalila’s Bag Making at ng Persons Deprived of Liberty sa siyudad.
“Marami tayong product na maipagmamalaki na kailangan po nating suportahan para makilala po tayo,” sabi pa ni Batalla.

Ilan pa sa mga itinampok na food products sa CABan ng Tuwa Trade Fair ay ang Spanish bangus, sweet chili dip, calamansi juice, kamias prunes, chicken pastil, coffee flan, yema cake, kakanin, gourmet tuyo, chicharon palutik, steam buns, mixed nuts, crispy dilis, oyster mushroom products, orega-mansi juice at wine.
Hindi naman mawawala sa mga inalok na paninda ay ang mga produkto na gawang lokal tulad ng beauty soap, body oil, body scrub, macramé, crochet, shirts, bedsheets, curtains, beads, jars, flowers, rags, paintings, fuzzy wires at resin products.
Bukod sa pagdaraos ng trade fair ay tumutulong din ang CLCDO katuwang ang DTI sa pagbibigay ng mga kasanayan na kailangan ng mga MSMEs, partikular ang mga nagsisimula pa lamang sa pagnenegosyo na kailangang dumaan sa product development, bookkeeping, financial management at iba pa.
Binibigyang halaga naman ni DTI Assistant Regional Director Richard Simangan ang pagdaraos ng mga trade fair, na paraan upang makita ang resulta ng mga assistance na ipinagkakaloob sa mga MSMEs.
Tulad aniya ang mga tulong na galing sa DTI, Department of Science and Technology (DOST), mga lokal na pamahalaan at iba pang institusyon o kagawaran ng pamahalaang nasyonal.
“Sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga institusyon ay nagkakaroon ng magandang produkto sa isang bayan mula sa pagpapaunlad ng mismong produkto hanggang sa packaging, labeling at iba pa,” pahayag ni Simangan.
Sa idinaos na programa ay nagpahayag din ng patuloy na suporta ang DOST at Department of Labor and Employment sa pagpapataas ng kapasidad ng mga MSMEs upang maabot ang hangarin na makilala at makipagsabayan sa national at international level. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija)