3 sunog sa Bulacan sa loob ng 16 oras

    660
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Tatlong sunod- sunod na sunog ang naitala sa Bulacan mula Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng umaga.

    Wala namang naiulat na nasugatan at kasalukuyang tinutukoy ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kabuuang halaga ng pinsala. Kabilang sa mga nasunog ay ang stockroom ng SM City Baliwag noong Sabado ng umaga; noong Biyernes ay isang bahay sa bayan ng Bulakan, at isang grassfire sa bayan ng Hagonoy.

    Ayon kay Beverly Cruz, public relations officer ng SM City Baliwag, agad na napula ang sunog sa kanilang stockroom bandang alas 7:30 ng umaga noong Sabado. Hindi kumalat ang apoy at hindi rin ito nakaapekto sa operasyon ng mall.

    Subalit ang mga mall tenant ay pinaantala ang pasok ng halos isang oras. Ayon kay Cruz, ito ay upang matiyak na ligtas ang mga tao sa loob ng mall dahil ang usok ay kumalat sa bahagi ng events center. “We have to ensure their safety and of our customers,” sabi ni Cruz sa isang telephone interview.

    Binigyang diin din niya ang benepisyo ng mga natutuhan nila sa mga isinagawang fire drill sa mall mula noong 2008. Ang pinakahuling fire drill sa mall ay isinagawa noong Miyerkoles, Marso 12. Ayon kay Cruz, ang sunog ay nagmula sa isang bumbilya ng ilaw sa loob ng stockroom, ngunit dahil sarado ito ay hindi kumalat ang apoy, sa halip ay nagkaroon lamang ng makapal na usok.

    Noong Biyernes ng hapon naman, isang bahay ang nasunog bandang alas 3:35 sa Bagumbayan sa Bulakan.

    Matapos ang halos isang oras ay si Gob. Wilhelmino Alvarado naman ang tumawag sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) upang ipabatid ang nagaganap na grass fire sa Purok 2, Barangay Abulalas sa bayan ng Hagonoy.

    Sa kanyang lingguhang pagsasahimpapawid sa Radyo Bulacan kahapon, nagapasalamat si Alvarado sa kahandaan ng mga bumbero sa Bulacan at patuloy na pagbabantay ng mga residente. Ikinuwento niya na isang resident eng Hagonoy tumawag sa kanya upang ipabatid ang grassfire, kaya’t siya na ang tumawag sa PDRRMO.

    Dahil dito, hinikayat niya ang mga Bulakenyo na huwag mag-atubiling tumawag sa numerong 044-791-0566 ng PDRRMO. Matatandaan na sa nagdaang halos dalawang linggo ay dalawang palengke sa lalawigan ang muntik ng matupok ng apoy. Ito ay ang palengke ng San Rafael sa Brgy. Cruz na Daan at ang palengke ng bayan ng Bulakan.

    Maaalala rin na mula 2010 hanggang 2013 ay tatlong palengke sa Bulacan ang nasunog. Ito ay ang palengke ng Hagonoy na natupok noong Agosto 2010, palengke ng Malolos na ang bahagi ay nasunog noong Agosto 2012, at ang palengke ng Balagtas na natupok noong Abril 2013.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here