MARIVELES, Bataan: Narito ang mga Panalangin sa unang tatlong kandila sa Panahon ng Adbiyento na ginawa ni Bishop Ruperto C. Santos ng Diocese of Balanga at kura paroko ng San Nikolas ng Tolentino dito.
Ang mga panalangin ay para sa mga mangingisda, magsasaka at mangangalakal na tatlo sa apat na itinuturing na haligi ng ekonomiya sa panahon ng Covid-19 pandemic. Ang isa pang panalangin ay para sa mga manggagawa sa ika-apat na Linggo ng Adbiyento.
Unang Kandila sa Panahon ng Adbiyento, 2021: KANDILA ng PAG-ASA para sa mga MANGINGISDA
O, Panginoong Diyos, butihing Ama.
Kayo po ay makapangyarihan, maylikha ng langit at lupa.
Kayo po ang makapangyayari sa lahat.
Ako po ay papalaot upang mangisda.
Ako po ay Inyong samahan at patnubayan.
Sa Inyong awa at habag, ilayo po Ninyo ako sa kapahamakan.
Dalhin sa tama at ligtas na lugar ng ilog at dagat.
Dumaan sa mapayapang alon at banayad na hangin.
Makaranas ng magandang panahon, maaliwalas na kalikasan.
At makakuha, makahuli ng sagana.
Sa Inyong kabutihang-loob, pagkalooban po Ninyo ako ng kalakasan ng katawan, kaliwanagan ng pag-iisip, at maasahang kasamahan.
Gawin po Ninyo na ako maging matiyaga, nagtitiwala sa Inyo at palaging nananalangin.
O makapangyarihang Diyos, butihing Ama.
Basbasan po Ninyo ang aking mga bangka, mga sagwan at mga gamit.
Samahan po Ninyo ako sa aking pangingisda
upang makahuli ng marami at makauwi na muli sa akin pamilya na masaya, malakas at ligtas.
Amen.
O mahal na Birhen Maria, Bituin ng Dagat, ipanalangin ninyo kami.
San Jose, ipanalangin ninyo kami.
San Nikolas ng Tolentino, ipanalangin ninyo kami.
Ikalawa: KANDILA ng KAPAYAPAAN para sa mga MANGANGALAKAL
Makapangyarihang Diyos, butihing Ama
Ako po ay inyong samahan at pangunahan
sa aking paglalakbay.
Kayo po ang aking gabay.
Kayo po ang aking patnubay.
Sa akin ngayon pagmamaneho
nawa’y hindi ako mawala o maligaw.
Ipag-adya mo po kami sa sakuna o sa alin man kapahamakan.
Iligtas mo po kami sa mga mali at masasamang balak.
Bigyan mo po ako ng wastong kaisipan,
matalas na paningin, matatag ng pasensiya, matibay na pagtitiyaga at listong pagkilos.
Dalhin mo po kami na ligtas sa aming patutunguhan. Makauwi ng maayos at mapayapa sa aming pinanggalingan. Amen.
Birhen ng Guadalupe, ipanalangin mo kami!
San Jose, ipanalangin mo kami!
Sa Rafael Arkanghel, ipanalangin mo kami!
San Nikolas ng Tolentino, ipanalangin mo kami!
Ikatlo: KANDILA ng PAG-IBIG para sa mga MAGSASAKA
O makapangyarihan Diyos, butihing Ama.
Ikaw ay mahabagin at puspos ng awa.
Ikaw ay mapagbigay at sa amin ay lubos na nagkakalinga.
Marami pong salamat sa biyaya ng lupa,
sa sikat ng araw,
sa patak ng ulan,
sa hanging amihan,
at sa aming mga pananim.
Sa pamamagitan ng Iyong bugtong na Anak na si Jesus, ang dakilang Maghahasik (Markos (4,3)
kami po ay lumalapit sa Iyo, nanalangin para sa amin mga magsasaka.
Gabayan po Ninyo kami na magtiyaga, kahit na ang lupa ay madamo, mabato hindi patag at matigas.
Datapuwa’t pagpalain po Inyo upang ang mga ito ay maging mataba at mabuting lupa.
Gabayan po Ninyo kami na umasa at palaging nagdarasal para maaliwalas na panahon,
matibay at mahusay na kagamitan, piling-pili at magagandang binhi. Gabayan po Ninyo kami at pagkalooban na malakas na pangangatawan,
maaasahang mga kasama at katuwang,
saganang ani at bunga.
O makapangyarihan Diyos, butihing Ama.
Pagpalain po Ninyo ang aming pagsisikap, at kami ay maging matagumpay sa aming paggawa.
Pawiin po Ninyo ang aming mga pangamba, paghihirap, at bigyan ng panatag na kalooban.
Ipag-adya po Ninyo kami sa mga kapahamakan, at gawin palaging malakas at ligtas.
Gantimpalaan po Ninyo ang aming pagsasaka, at tulad sa Ebanghelyo na makaani higit at labis pa “ng tatatlumpu, animnapu ang iba at sandaang higit pa” (Markos 4,8). Amen.