Sibul Nature Spring Resort
Isang Olympic-sized swimming pool na ang tubig ay mula sa sibul ang dinarayo ng mga bisita sa Sibul Nature Spring Resort sa Abucay, Bataan.
Hindi lamang ang tubig ng Olympic-sized swimming pool ang nanggagaling sa sibul kundi maging ang iba pang swimming pool ng mga bata.
Punuan ang mga open cottages na nakahanay sa tabi ng mga swimming pool. Malalaki ang mga punong kahoy sa paligid kaya malamig ang simoy ng hangin.
Sa isang mataas na bahagi ng resort ay ang World War II Tower ng Maria Cannon Statue na maaabot sa pag-akyat sa mataas na hagdang semento.
Malapit sa pasukan ng resort, waring nakabantay ang replika ng mag-inang elepante.
Ang entrance fee ay P50 para sa mga batang 5 –9 years old, P50 sa senior citizen at P60 para sa adult.
Dunsulan Falls
Sa mga nagnanais mapalapit sa kalikasan, pagsawain ang mga mata sa matatayog na punong kahoy, pakinggan ang tila musikang walang katapusang lagaslas ng tubig mula sa talon at makarinig ng paminsan-minsang huni ng mga ibon, naghihintay sa inyo ang Dunsulan Falls.
Ang talon sa Barangay Dunsulan ay matatagpuan sa ibabang bahagi ng makasaysayang Mount Samat sa Pilar, Bataan kung saan matatanaw ang higanteng war memorial cross.
Ang Dunsulan Falls ay bukas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon na ang entrance fee ay P60 samantalang ang rental sa mga mesa na nasa ilalim ng matatayog na punong kahoy ay P50.
Tila walang katapusan ang pabulusok na agos ng tubig sa pag-itan ng rock formation.
Tanato River park
Isang mabatong ilog na may mababaw at malamig na tubig ang nagiging maganda at murang pasyalan na dinarayo sa Barangay Tanato sa Balanga City sa Bataan.
Sinabi ni Mildred Martinez, isa sa mga nag-aasikaso sa lugar, sa halagang P20 isang tao, libre ang bata, makakapasok na at makakapaligo sa Tanato River Park na bukas mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
May mga open cottages din, aniya, sa tabi ng ilog na mauupahan ng P200 hanggang P500 kung saan pwedeng magluto at magkainan.
Hindi lamang sa mga cottages pwedeng magkaroon ng walang katapusang kuwentuhan kundi maaari ring umupo sa malalaking bato sa ilog at balikan ang nakaraan habang tila musika ang tunog ng tubig habang dumadaloy sa pag-itan ng mga bato. (30)