IBA, Zambales – Sa patuloy na pagpapatupad ng kapulisan sa Comelec Omnibus Election Code o gun ban sa buong Zambales, arestado ang tatlo katao sa pagdadala ng baril at patalim sa magkakahiwalay na lugar sa dalawang bayan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Zambales Police Provincial Office (ZPPO) Director, Senior. Supt. Francisco Santiago Jr., huli ang suspek na si Elly Alvaran, 45, residente ng San Diego Subdivision, Barangay San Jose, Castillejos, Zambales matapos itong magpaputok ng baril sa isang inuman.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang magnum 357 revolver na may anim na bala.
Sa bayan ng San Narciso, Zambales, huli sa isinagawang “Oplan Bakal” ng pulisya sa loob ng Green Rose Videoke Bar na matatagpuan sa Sitio Palayas ng nasabing bayan ang mag suspek na sina Melecio Ramos, 26, tubong Barangay Gamata, San Carlos, Pangasinan at Lauro Delima, 38, ng Sitio Macupit, Barangay Nagbunga, Castillejos, Zambales.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang isang kalibre 38 revolver at balisong.
Ang mga suspek ay ipinagharap na ng kasong paglabag sa Omnibus Election Code at illegal possession of Firearms and Ammunitions at illegal possession of deadly weapons.
Ang buong Zambales kasama ang Olongapo City ay nasa ilalim parin ng gun ban at ito ay magtatapos sa February 14 (Martes).