3 huli sa ilegal na paputok

    400
    0
    SHARE
    BOCAUE, Bulacan—Tatlong kalalakihan ang inaresto matapos salakayin ng pulisya ang isang ilegal na pagawaan ng paputok sa Brgy. Bunducan sa bayang ito kahapon.

    Ang mga inaresto ay nakilalang sina Ricardo Stocua, Jr., Sonny Saldero at Richard Francisco, pawang mga residente ng nasabing barangay.

    Sila ay inaresto dahil sa paglabag sa R.A 7183 o ang batas na nagreregula sa pagbebenta, pag-gawa, distribution at paggamit ng firecracker at iba pang pyrotechnic devices sa bansa.

    Ayon kay Supt. Ronald De Jesus, hepe ng Bocaue PNP, walang kaukulang dokumento o permit sa paggawa ng mga paputok ang mga naarestong kalalakihan.

    Ipinaliwanag niya, na hindi dapat bababa sa 300 metro ang layo ng isang paggawaan ng paputok mula sa kabahayan o residential areas.

    Ang nadiskubreng ilegal na pagawaan na ito ay matatagpuan lamang sa bahay na tinitirhan ng mga naaresto.

    Inabutan ng PNP ang mga suspek habang gumagawa ng paputok sa kanilang mga barong-barong at natuklasan din ang mga kemikal na ginagamit ng mga ito sa paggawa ng mga lusis.

    Ayon kay De Jesus, posibleng madamay ang mga kalapit bahay ng mga suspek sa sandaling magsiklab ang mga pulbura dito.

    Bukod doon ay pawang delikado rin aniya sa kalusugan ang paggawa ng mga paputok nang walang tamang proteksyon sa katawan.

    Inamin naman ni Stocua na ilegal ang kanilang hanap-buhay ngunit naghahabol sila ng kita para sa paparating na kapaskuhan.

    Aniya, maliit lamang ang kanilang puhunan dito at nais lamang na kumita kahit na sa ilegal na paraan.

    Iginiit pa niya na may 20 taon na siyang gumagawa ng mga lusis at hindi mga paputok kayat hindi gaanong peligroso sa mga kabahayan.

    Ang tatlong nadakip ay ikinulong sa Bocaue municipal jail dahil sa paglabag sa R.A 7183 habang kumpiskado naman ang mga kemikal, mga kagamitan at mga finished products ng mga palusis.

    Nagbigay babala naman ang Bocaue PNP sa iba pang gumagawa ng ilegal na paputok sa naturang bayan na karaniwang tumataas ang mga bilang sa tuwing sasapit ang pagsalubong sa bagong taon.

    Ayon sa PNP, patuloy silang magsasagawa ng mga raid upang sugpuin ang illegal na pagawaan ng mga paputok sa naturang bayan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here