CASTILLEJOS, Zambales —Dinakip ng mga tauhan ng Zambales PNP ang tatlong holdaper makaraang holdapin ang isang Indian national sa Barangay Magsaysay sa bayang ito kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Senior Inspector Jose Arca, hepe ng Castillejos police station, ang mga suspek na sina Peter Cabalar, 38, residente ng Sitio Macarang, Barangay Aglao, San Marcelino, Zambales; Bernie Cubacub, 29, residente ng Barangay Old Cabalan, Olongapo City at Reagan Cabalar, 28, ng Palayan, Barangay Cawag, Subic, Zambales.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng single motorcycle na may plakang RK 8770 ang biktimang si Rakesh Mohan, 41, ng Purok 1, Barangay San Pablo para maningil ng pautang nang harangin at tutukan ng baril ng mga suspek at saka nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga suspek ang pera na nagkakahalaga ng P15,000 cash at motorsiklo ng biktima.
Sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, natunton ang hideout ng mga suspek sa Sitio Bagong Silang, Barangay San Pablo, Castillejos, Zambales kung saan nakuha sa pagiingat ng mga suspek ang dalawang 12-gauge homemade shotgun na may limang buhay na bala; apat na cellphones; wallet; relo; dalawang plaka ng motorsiklo; mga susi; mga ibat-ibang dokumento ng motorsiklo at tatlong motorcycles.