3 gas station sa Bataan sarado

    454
    0
    SHARE
    BALANGA CITY, Bataan – Tatlong gas station sa Bataan ang pansamantalang sarado noong Lunes at hindi pa malaman kung kailan magbubukas samantalang ang iba naman ay wala ng stock na krudo at kung meron man ay limitado na lamang ang pagbebenta.

    Ang mga nakasara ay ang mga gas stations ng Shell sa poblacion ng Balanga, Caltex sa Riverside, Balanga at Unioil sa Bataan superhighway sa Balanga rin. Ang gasolinahan ng Shell ay Linggo ng gabi nagsara samantalang ang Caltex ay noong Linggo ng tanghali at ang Unioil naman ay noong Huwebes pa.

    Ang isa pang Caltex gas station katabi ng Shell ay patuloy ang serbisyo subalit naubusan na ito ng krudo at tanging gasolina ang ibinebenta sa mga nagkukumpulang mga tricycle.

    Ang Total gas station naman na katabi ng nakasarang Caltex station ay patuloy na bukas subalit wala na rin itong krudo at gasolina na lamang din ang ipinagbibili.

    Sinabi ni Norma Abejar, fuel incharge ng Total gas station, na naubusan sila ng krudo bandang alas-9 ng umaga ng Lunes at wala pang katiyakan kung kailan ang delivery nito. Upang ipakita na talagang wala na silang stock ng krudo, sinukat nito ng dip stick ang kanilang natitirang supply na umaabot lamang sa 2,045 liters.

    “Talagang wala na kaming maibebenta sapagka’t pondo na lamang itong natitira na hindi na kayang bombahin ng motor at makaya ng dispenser,” sabi ni Abejar upang pasubalian na hindi nila iniipit ang kanilang stock na krudo.

    Tanging ang Petron Gas Station sa Bataan superhighway sa Balanga ang patuloy na nagbebenta ng krudo kaya’t kapuna-puna ang haba ng pila ng mga sasakyan dito. Limitado ang benta nila upang anila’y mapagbigyan ang lahat subalit kung wala umanong delivery ngayong araw ng Lunes ay wala na rin silang stock na krudo.

    Sa Pilar, Bataan, ang Total Gas Station ay wala na ring stock na krudo simula pa noong Huwebes at tanging gasolina na lamang ang kanilang ibinebenta. Ganito rin ang sitwasyon sa Petron sa Pilar, Gaz Express sa Abucay, Bataan at Shell gas station sa bayan ng Orani.

    Tanging ang dalawang Petron gas stations sa Balanga at Abucay sa lahat ng mga gasolinahan sa mga bayan ng Pilar, Abucay at Orani at City of Balanga ang may krudo.

    Ang Petron-Balanga ay hanggang P500 lamang bawat isang sasakyan ang alokasyon samantalang ang Petron-Abucay ay hanggang P300 na lamang simula nitong Lunes.

    “Masakit na ulo ko,” sabi ni Liza Ganzon, sales clerk ng Petron-Abucay. Paubos na raw ang kanilang stock na krudo kaya napilitan silang hanggang P300 na lamang bawat sasakyan ang ibigay muna.

    Kahit daw nilimitahan nila ang kanilang benta, hanggang Huwebes na lamang ang stock nila at maaaring magsara sila matapos ito sapagka’t ang schedule ng delivery sa kanila ay sa susunod na Lunes pa.

    Ang Petron ay may malaking oil refinery sa Limay, Bataan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here