MARIVELES, Bataan- Tinamaan diumano ng ipo-ipo o buhawi ang tatlong bangkang pangisda na tumaob at tinangay hanggang sa mga batuhan sa Barangay Sisiman, Mariveles sa kasagsagan ng bagyong Gener noong Linggo ng gabi.
Wasak na wasak ang FB Joshua, FB Lady Jane at FB John Mark na bago ang pangyayari ay nakadaong sa shoreline sa tapat ng bundok ng Sisiman.
Nahulog si Arcanghel Vicoy, 59, ng Antique, mula sa FB Joshua at Martes na ng hapon nang natagpuan ang bangkay nito malapit sa isang bahagi ng dalampasigan ng Sisiman. Hindi nakapagsagawa ng search and rescue operations noong Linggo ng gabi dahil sa sungit ng panahon, sabi sa report ng pulisya.
“Hinampas ng buhawi, tumaob ang bangka namin at nalaglag ang tatay ko na tinamaan ng palo,” sabi ni James Angelo Vicoy, 25, anak na panganay ng biktima at kasamang crew ng ama sa FB Joshua.
Wala diumanong malalaking alon kundi malakas na hangin nang oras na iyon. Hindi maintindihan ng mga crew kung paanong nakarating ang bangka nila sa itaas ng batuhan na malayo sa kinadadaungan nila.
Nasugatan umano ang batang Vicoy sa tuhod, kamay at ulo. Ang walo niyang kasamahan ay nagtamo rin daw ng mga sugat na ginamot sa Mariveles Medics.
Tulad ng FB Joshua, ang dalawa pang fishing boat ay humampas din sa batuhan na ang isa ay nagkadurog-durog. Ang isa pa ay hindi na rin pakikinabangan dahil sa matinding pagkawasak.