BOTOLAN, Zambales – Ang bangkay ng tatlong security guard ng Jago Mining Corporation ay nahukay ng mga tauhan ng Philippine Army, 315th Zambales Provincial Mobile Group at mga volunteers nitong Biyernes matapos ang may tatlong araw na search operation sa Barangay Porac ng baying ito.
Ayon kay Arnold Mari, OIC Security Supervisor ng Mellgos Security Agency naunang nakuha ang mga bangkay nina Amor Metran at Patricio Diaz, at makalipas ang ilang oras ay ang kay Celso Metran naman. Sinabi ng mga awtoridad na ginamitan nila ng backhoe para mahukay ang putik at tipak ng bato sa kinababaunan ng mga biktima na umaabot sa may limang talampakan ang lalim at nakuha rin ang isang shotgun na gamit ng mga security guard.
Naunang napaulat ang pagkawala ng tatlong security guard noong Martes (Sept. 8) habang nasa kalakasan ng ulan nang matabunan ng landslide ang kanilang bunkhouse at guard house sa nasabing lugar.