LUNGSOD NG MALOLOS —Tatlong babaeng inmates sa Bulacan Provincial Jail ang nahulihan ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba nitong Martes ng gabi.
Ang mga naaresto ay nakilalang sina Teresa Martin, Edna Sampang at Nenita Polintan pawang mga detinido din sa mga drug-related cases. Ayon sa Malolos PNP, nakakatanggap na sila ng mga ulat namay nangyayaring bentahan ng shabu sa loob ng piitan na ito kayat isang babaeng pulis din ang nagpanggap na inmate.
Dito isinagawa ang buy bust operation kung saan nakuha sa mga suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, P1,000 marked money at mga drug paraphernalia. Inaalam na ngayon ng PNP kung saan nagmumula ang nasabingmga ilegal na droga at kung paano ito naipapasok sa loob ng kulungan. Samantalang itinatanggi ng mga suspek ang insidenteng ito.
Wala daw silang kinalaman sa nasabing alegasyon at nagulat na lamang sila at sa kanila ibinibintang ang mga nakumpiskang shabu, drug paraphernalia at marked money. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil dito. Sasailalim sa booking at drug testing ang tatlong kababaihan na mga suspek sa pagtitinda ng shabu sa loob ng piitan.