Tatlong abito ang hinabi ng mga Bulakenyong mananahi para sa ginanap na Papal Visit ni Pope Francis sa Pilipinas noong Enero 15 hanggang 19, 2015. Ito rin ay isang Apostolic State Visit bilang head of state ng bansang Vatican.
Isinuot ito ng papa sa kanyang mga misa sa Manila Cathedral, Tacloban Airport sa Leyte at sa Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila.
Hinabi ito sa Disenio Sagrado, isang tahian ng mga abito na nakabase sa Guiguinto,Bulacan, na inatasan ng Iglesia Katolika Apostolika Romana sa Pilipinas para tumahi ng mga abito para sa nasabing Papal Visit.

Sa isang pahayag ni Ronald Allan Babaran na noo’y 33 taong gulang na isa sa mga may-ari ng tahian, ang abito na isinuot ni Pope Francis sa kanyang misa sa Manila Cathedral noong Enero 16, 2015 ay dinisenyong may nakaburdang bulaklak ng Sampaguita. Parang naka kwintas sa leeg ang pagkakaburda na nagpatingkad sa simpleng abito na sumasalamin sa katauhan ni Pope Francis.
Halos kahawig naman nito ang disenyo na isinuot sa misa ng papa sa Tacloban Airport noong Enero 17, 2015. Ang pinagkaiba lamang, ang ibinurdang bulaklak ng Sampaguita ay nakadisenyo mula sa itaas na bahagi ng abito pababa.
Hindi ito masyadong nakita nang isinuot ng papa dahil sa pagkakasuson ng kapoteng kulay dilaw. Matatandaan na nasa kasagsagan ng tuluy-tuloy na pag-ulan ang kapaligiran sa Leyte dahil sa pagtama ng bagyong ‘Amang’, kaya’t nakasuot ng kapote ang bawat dumalo sa mga pagtitipon kasama na ang mismong papa.
Para sa isinuot na abito ni Pope Francis sa kanyang misa sa Quirino Grandstand, nangingibabaw ang ibinurdang imahe ng Sto. Nino dahil nataon na kasabay ito ng kapistahan ng poon noong Enero 18, 2015. Sinamahan ito ng mga burdang disenyo ng Kawayan at Anahaw na pambansang dahon ng Pilipinas.
Larawan ng katatagan ng kalooban ng mga Pilipino ang Kawayan na kayang sumabay sa kahit gaano kalakas na hangin o unos na hindi kayang mabali.
Isinisimbulo naman ng mabangong bulaklak ng Sampaguita ang katangian ng mga Pilipino na mainit at magiliw sa pagtanggap ng mga bisita. Karaniwang ginagawang kwintas ang nasabing bulaklak sa mga sinasalubong na mga bisita sa bansa.
Tunay na higit pa ito sa husay at galing ng mga Bulakenyo sa paghabi ng mga abito, kundi isang buhay na panata ng malakas na pananampalataya sa isang buhay na Diyos. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)