Home Headlines 2nd booster kontra Covid, nakapagturok ng unang 68,334 doses sa Bulacan

2nd booster kontra Covid, nakapagturok ng unang 68,334 doses sa Bulacan

541
0
SHARE
Itinuturo ni Gov. Daniel Fernando na mismong si Vice Gov. Alex Castro ang opisyal na binigyan ng second booster shot sa Bulacan bilang pagsuporta sa PinasLakas campaign ng DOH. Contributed photo

SAN RAFAEL, Bulacan — Pormal nang inilunsad sa Bulacan ang kampanyang
PinasLakas ng Department of Health, kung saan may inisyal na 68,334 doses ang
naiturok sa mga nagpa-second booster shots laban sa Covid.

Ang programa ay alinsunod sa direktiba ng administrasyong Marcos na mas
paigtingin ang pagsasagawa ng mga first at second booster shots sa maraming
bilang ng mga Pilipino.

Sinabi ni Irish San Pedro-Santos, tagapagsalita ng DOH Bulacan Field Office, na
layunin nito na mapalakas pa ang herd immunity laban sa iba’t ibang variants ng
Covid.

Target na mabigyan ng ikalawang booster shot ang may 90 porsyento na mga
senior citizen at 50 porsyento para sa first booster sa lahat ng sektor pagsapit ng
Oktubre 8, 2022 o ang unang 100 araw ng bagong administrasyon.

Pinangunahan ni Gov. Daniel Fernando ang paglulunsad ng PinasLakas campaign
sa bayan ng San Rafael kung saan mismong si Vice Gov. Alex Castro ang binigyan
ng opisyal na unang second booster.

Sinabi naman ni Patricia Alvaro, tagapagsalita ng provincial health office, na nasa
176 ang mga vaccination sites na may 227 team sa buong lalawigan, upang mas
marami ang maabot para mabigyan ng mga booster shots.

Base sa tala ng PHO, nasa 675,047 doses pa lamang ang naiturok sa mga nagpa-
first booster hanggang nitong Agosto 3, 2022.

Kabilang sila sa mga nabakunahan laban sa COVID-19 kung saan 5,906,570
milyong doses ang naibigay mula noong Marso 2021.

Sa loob ng nasabing bilang, 2,518,217 milyong doses ang naiturok sa mga fully
vaccinated at 2,644,972 milyong doses para sa mga may unang dose pa lamang
hanggang nito ring Agosto 3, 2022.

Kaugnay nito, ang vaccination site sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa
Malolos ay patuloy na bukas sa mga walk-in na magpapa-booster shots mula araw
ng Lunes hanggang Linggo, sa ganap na alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng
hapon maliban sa mga deklaradong holidays.

Bukas ito sa mga may edad na 12 hanggang 17 na wala pang first, second doses at
first booster. Para naman sa mga may edad 18 pataas, maaari pa ring
magpabakuna mula sa first dose hanggang sa second booster.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here