CABANATUAN CITY – Inaasahang makababalik na bukas, Biyernes, ang 28 estudyante ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) na stranded sa Boracay kung saan sila nag on-the-job training simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.
Ayon kay Atty. Alejandro Abesamis, provincial administrator ng Nueva Ecija, sasakay sa alinman sa dalawang biyahe ng eroplano, alas–11 ng umaga o alas-3 ng hapon, ang mga estudyante.
“Sasalubungin po sila ng ating mga kababayan at ating mga sasakyan kasama po ang ating provincial coaster,” sabi ni Abesamis.
“Sa mga magulang congratulations po at magkikita-kita na kayo ng inyong mga mahal sa buhay,” dugtong niya, kasunod ang paalala na umiiral pa rin ang ECQkaya may mga protocol na kailangang sundin.
Pahayag ng opisyal, hindi nagpabaya ang NEUST mula pa sa simula at ibinigay raw nito ang suporta sa mga estudyante na kumukuha ng kursong Hotel and Restaurant Management sa nasabing pamantasan.
Ang NEUST at mga magulang rin aniya ay idinulog kay Gov. Aurelio Umali at sa pamahalaang panlalawigan ang kanilang pangangailangan.
“Pag start ng ECQ, ang nangyari po sa amin, stay lang po kami sa isang apartment,” kwento ni Jayson Calos, isa sa mga estudyante, sa isang panayam ng GMA.
Binigyan naman raw sila ng dalawang quarantine pass para makabili sila ng pangangailangan kapag nagpapadala ng pera ang kanilang kaanak.
Sinagot naman aniya ng NEUST ang gastos sa apartment na nasa isang bahagi ng isla.