Home Headlines 28 beterano ng World War II, pinarangalan sa Ika-80 Taon ng Bulacan...

28 beterano ng World War II, pinarangalan sa Ika-80 Taon ng Bulacan Military Area

400
0
SHARE
Sentro ng pag-alaala sa Ika-80 Taon ng Pagkakatatag ng Bulacan Military Area sa bayan ng Bustos ang pagpaparangal ng pamahalaang panlalawigan sa mga nabubuhay pang beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (Shane F. Velasco/PIA 3)

BUSTOS, Bulacan (PIA) — Sentro ng pag-alaala sa Ika-80 Taon ng Pagkakatatag ng Bulacan Military Area (BMA) sa bayan ng Bustos ang pagpaparangal ng pamahalaang panlalawigan sa mga nabubuhay pang beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pinangunahan ni Philippine Veterans Affairs Office Deputy Administrator Restituto Aguilar ang paggawad sa may 28 na mga nabubuhay pang mga beteranong Bulakenyo ng isang plake na naglalaman ng katitikan ng Kapasiyahan Blg. 641-T’2023 ng Sangguniang Panlalawigan.

Nagpapahayag ang nasabing kapasyahan ng Pagkilala at Pasasalamat ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa nasabing mga beterano, na pawang mga kasapi ng Veterans Federation of the Philippines, sa kanilang hindi matatawarang paglilingkod, serbisyo at sakripisyo sa Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Para kay Aguilar, nasa sinapupunan na ng Bulacan ang lahi ng kabayanihan sa dami at hindi mabilang na mga bayaning Bulakenyo na sumibol sa iba’t ibang panahon hanggang sa kasalukuyan.

Binigyang diin niya na hindi kailanman matatapos ang pagpaparangal, pagkilala at pangangalaga sa mga beterano lalo na ang mga nakipaglaban sa nasabing digmaan.

Patunay aniya rito ang pagkakalagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act 11958 o ang Rationalizing the Disability Pension of Veterans Act of 2023.

Nagsimula na aniya itong umiral mula noong Setyembre 10.

Dahil dito, ang mga beteranong nakaranas ng “war shock” o nagkaroon ng kapansanan dahil sa sakit, sugat o anumang pinsala dahil sa pakikipaglaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay makakatanggap na ng P10 libong tulong pinansiyal mula sa kasalukuyang P1 libo lamang kada buwan.

Bukod ito sa natatanggap na P20 libong pensiyon na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa bisa ng Republic Act 11164 na nilagdaan ni noo’y Pangulong Rodrigo R. Duterte noong 2019. Tumaas ito mula sa dating P5 libo kada buwan mula noong 2008.

Ang unang 14 na nasa talaan ng kapasyahan ay sina Lolita Abela ng Santa Maria, Emilia Bautista ng Bocaue, Serafin Bernabe ng Malolos, Miguel Capiral ng Obando, Nazario Constantino ng Baliwag, Gelacio Dela Cruz ng Marilao, Restituto Enriquez ng Bocaue, Salvador Garingan ng San Miguel, Camilo Lapat ng San Jose Del Monte, Serafin Layug ng Pulilan, Marcelo Lorenzo ng San Miguel, Florencio Luat ng San Ildefonso, Tomas Mendoza ng San Rafael at Leonardo Moya ng San Rafael.

Kabilang din sa 28 sina Lourdes Nepomucemo ng San Jose Del Monte, Segundo Pamintuan ng San Miguel, Artemio Reyes ng San Jose Del Monte, Nicolas Salamat ng Paombong, Emerita Salas ng Baliwag, Soledad Sanchez ng Malolos, Emerenciana Santiago ng Baliwag, Cornelio Santos ng Marilao, Nicanor Santos ng Hagonoy, Gregorio Silvestre ng Bocaue, Pablo Sta. Ana ng San Rafael, Reynaldo Tobias ng Santa Maria, Cristina Viesca ng Meycauayan at Rosalina Villalobos ng Meycauayan.

Itinaguyod ang pagdadaos ng programang pang-alaala na ito sa inisyatibo ng Pangkat Saliksik ng Kasaysayan ng Bayan (PASAKABA) sa pakikipagtulungan ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office.

Ayon kay PASAKABA President Pedrito Cabingao, isinulong ng samahan na magunita ang Ika-80 Taon ng Pagkakatatag ng BMA dahil ang nasabing mga natitirang beterano ay bahagi ng nasa 23 libong Bulakenyong naging kasapi nito.

Naging BMA ang buong lalawigan ng Bulacan sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaan Pandaigdig kung saan naitatag ito sa Bustos sa pangunguna ni Heneral Alejo Santos.

Binubuo ito ng 10 regiments na tumindig at lumaban sa mga Hapon. Kalaunan ay kinilala sila ng pamahalaan ng United States of America at naanib sa United States Armed Forces in the Far East. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here