SAN ILDEFONSO, Bulacan — Natanggap na may 2,740 residente ng Bulacan ang kanilang sahod mula sa Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Disadvantage and Displaced Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Pinangunahan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang pagpapasahod na umabot sa halagang 11.5 milyong piso.
Bulto ng mga benepisyaryo ay mula sa Ikatlong Distrito kung saan 734 ang pinasahod sa San Miguel, 720 sa San Rafael, 527 sa San Ildefonso, 136 sa Donya Remedios Trinidad, 126 sa Angat at 52 sa Norzagaray.
Mayroon ding benepisyaryo ng TUPAD sa lungsod ng San Jose Del Monte na umabot sa 511.
Bawat isa sa kanila ay pinasahod ng 4,200 piso mula sa kanilang pagtatrabaho sa loob ng sampung araw.
Ayon kay Bello, ang pagpaparami ng mga benepisyaryo ng TUPAD ay bahagi ng National Employment Recovery Strategy o NERS Program 2021-2022 na naglalayong bigyan ng agarang trabaho ang mga nahinto o nawalan ng trabaho upang makatawid sa hamon na dulot ng pandemya.
Pamamaraan din aniya ito upang makilala ang kakayahan ng mga benepisyaryo upang mapagkalooban ng pangmatagalang kabuhayan o mabigyan muli ng mapapasukang trabaho.
Ang TUPAD ay isang emergency employment program ng DOLE tuwing may kalamidad at krisis gaya ng pandemya.
Bukod sa pagkakaloob ng agarang trabaho, pakikinabangan din ng komunidad ang kanilang mga ginawa gaya ng paglilinis ng mga kalsada, pagpapanatili na walang bara ang mga kanal, pagpapaganda sa mga tukoy na lugar sa barangay at iba pa. (CLJD/SFV-PIA 3)