Home Headlines 2,692 trabaho para sa mga Bulakenyo, binuksan sa Ika-89 Taon ng DOLE

2,692 trabaho para sa mga Bulakenyo, binuksan sa Ika-89 Taon ng DOLE

386
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Umabot sa 2,692 na mga bagong trabaho ang binuksan para sa mga Bulakenyo sa pagdiriwang ng Ika-89 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Sa ginanap na Jobs Fair at Livelihood Distribution Ceremony, nasa 2,042 na mga lokal na trabaho ang iniaalok ng 31 kumpanya habang 650 trabaho sa ibang bansa ang binuksan ng Department of Migrant Workers.

Ayon kay Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office o PYSPESO Head Kenneth Ocampo-Lantin, nasa 61 na mga Bulakenyo ang mga Hired On The Spots na pawang natanggap agad sa trabahong inaplayan.

Nabiyayaan ang 150 na mga indibidwal ng mga livelihood packages sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program sa ginanap na Job Fair and Livelihood Distribution Ceremony sa pagdiriwang ng Ika-89 Taong Anibersaryo ng ahensya. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

Kahit na natapos ang isinagawang Jobs Fair, nananatili pa ring bukas sa mga kwalipikadong aplikante ang 2,631 pang mga trabaho.

Kailangan lamang sumadya sa tanggapan ng PYSPESO sa Blas F. Ople Livelihood Center na nasa bakuran ng Kapitolyo sa lungsod ng Malolos.

Para kay DOLE Provincial Director May Lynn Gozun, ang patuloy na pagsasagawa ng mga Jobs Fair ay bahagi pa rin ng umiiral na National Employment Recovery Strategy o NERS Program 2021-2022.

Layunin nito na mabigyan ng bagong trabaho ang mga mangagawa na nahinto o natanggal sa pagtama ng pandemya.

Nagresulta aniya ito sa pagkakaroon ng 91.6 porsyento na employment rate mula noong tumama ang pandemya ng COVID-19 base sa tala ng Provincial Planning and Development Office.

Katumbas ito ng nasa 1.42 milyong Bulakenyo na may trabaho at 7.7% na underemployed rate o katumbas ng 110 libong mga indibidwal.

Para naman sa masuportahan ang mga nasa informal sector, kasabay ng isinagawang Jobs Fair ang pagkakaloob ng mga livelihood packages sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP.

Sinabi ni Gozun na nakapaloob dito ang tig-20 libong pisong halaga ng mga paninda at kasangkapan para sa 100 Bulakenyo na may maliliit na tindahan.

Gayundin ang pagbibigay ng NegoKart para gawing rolling food stalls ng 50 benepisyaryo na nasa 30 libong piso ang halaga ng bawat isa.

Kaugnay nito, may panibagong 20 milyong piso ang inilaan ng DOLE para sa DILP sa Bulacan sa 2023.

Samantala, nagbigay ng direktiba si Gobernador Daniel Fernando sa PYSPESO na magsagawa ng mga job fairs kada isa o dalawang buwan at hindi lamang tuwing may pagdiriwang o okasyon. Ito’y upang mas marami ang magkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng trabaho at kabuhayan.

Hinikayat din ng gobernador ang mga benepisyaryo ng DILP na bukod sa obligasyon na pangalagaan ang natanggap na mga biyaya, mainam aniya kung sila’y sasapi o bubuo ng kooperatiba.

Gayundin ang pagpapayo na turuan ang kani-kanilang mga anak na maghanap-buhay upang matutong kumayod at hindi palaging nakaasa sa magulang. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here