NORZAGARAY, Bulacan (PIA) — May 250 Dumagat sa Bulacan ang nagtapos ng iba’t ibang kurso sa agrikultura sa ilalim ng Training for Work Scholarship ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Kabilang sa kanilang kinuha at tinapos sa loob ng 32 araw ang High Quality Production of Inbred Rice Seed Certificate, Agricultural Crop Production National Competitiveness o NC II, at Agro-Entrepreneurship NC II.
Ayon kay TESDA Regional Director Balmyrson Valdez, bahagi ito ng programa ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster o RLEC sa ilalim ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict o RTF-ELCAC.
Layunin aniya nito na hindi mahikayat ng insurehensiya ang mga katutubo sa pamamagitan ng pagpapakita at pagpapadama na may pamahalaang handang kumalinga at magtanggol para sa kanila.
Binigyang diin naman ni TESDA Provincial Director Gerty Pagaran na hindi lamang ito isang simpleng pamimigay ng mga scholarships kundi pamumuhunan para sa kinabukasan ng mga katutubo.
Pinaalalahanan din niya ang mga ito na ang pagkakatamo ng scholarship at pagtatapos sa training, ay dapat samahan ng pagbabanat ng buto upang hindi masayang ang mga oportunidad na ibinigay ng pamahalaan.
Sa kanilang pagtatapos, hawak ng mga benepisyaryong katutubo ang NC II certification sa nasabing mga kurso. Ibig sabihin, magagamit na nila ito sa aplikasyon sa trabaho na may kaugnayan sa agrikultura.
Bukod sa oportunidad sa trabaho, magagamit din ang karagdagang kasanayang ito ng mga katutubo sa makabagong paraan ng pagsasaka partikular na sa limang ektaryang farm na binuo ng PRLEC-ELCAC sa Sitio Sapang Munti sa Ipo Dam sa Norzagaray.
Pangunahing tanim dito ang mga High Value Commercial Crops na regular na iniluluwas sa kabayanan ng Norzagaray, sa iba’t ibang panig ng Bulacan at sa Metro Manila sa tulong ng Bausa Integrated Farm and Training Center Inc.
Ito ang katuwang ng TESDA upang matulungan ang mga katutubong magsasaka na mabili ang kanilang mga tanim upang magkaroon ng regular na kabuhayan.
Kaugnay nito, sa pamamagitan ng mga nagsipagtapos ng High Quality Production of Inbred Rice Seed Certificate, sisimulan naman ang pagbubungkal para sa tig-dalawang ektarya ng lupang magiging sakahan ng Palay sa mga sitio ng Sapang Munti, Santol, Pako at Miranda sa barangay San Mateo sa Norzagaray.
Tatambalan ito ng paggawa ng karagdagang “Gulayan sa Barangay” bukod sa kasalukuyang limang ektarya na natataniman na sa Sitio Sapang Munti.
Samantala, sinabi rin ni Pagasan na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang PRLEC sa Department of Agriculture upang maiproseso ang pagkakaloob ng mga kailangang makinarya, pataba at binhi para sa bubuuing sakahan sa pamamagitan ng pondong mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund. (CLJD/SFV-PIA 3)